Blind Item: Young actor, balik sa pagiging lasenggo by Cristy Fermin

ADVERTISING

TOTOO KAYANG BUMABALIK  na naman sa dating gawi ang isang sikat at guwapong aktor ng kanyang panahon? Hindi na gaanong kabataan ang aktor na ito, pero hindi pa rin naman siya katandaan, marami pa ring tumatawag ng young actor sa kanya hanggang ngayon.

May kumakalat kasing kuwento na isang araw ay maraming nakakita sa kanya sa isang sosyal na bar na pahandusay na nakahiga sa isang sofa, lasing na lasing, tanggal-tanggal ang mga butones ng suot niyang polo shirt.

ADVERTISING

Tahimik daw naman ang batang aktor kahit nakainom, hindi naman naghahanap ng away, pero komento ng mga nakakita sa kanya ay napakahalay palang makakita ng isang sikat na artistang lasing na lasing.

Meron daw kayang malalim na problema ngayon ang young actor para magsumbong sa alak? Dati na siyang ganu’n, palagi siyang nakikitang lasing ng kanyang mga kaibigan noon kapag problemado, kaya ang tanong ng marami ay ano na naman kaya ang bumabagabag sa kanya ngayon?

Naalala pa namin ang kuwento nu’ng minsan siyang malasing nang todo, nasa isang kilalang disco naman sila noon ng kanyang mga katropa, sa sobrang kalanguan ay nakita na lang siya ng mga nandu’n na umaakmang aakyat sa pader.

ADVERTISING

Sabi ng isang kasama niya, “Pare, pader ‘yan! Walang hagdan diyan para maakyatan mo!”

Ang buong-ningning na sagot ng sikat at guwapong aktor, “Huwag kang mag-alala, pare, kayang-kaya kong akyatin ‘yan! Hindi mo ba alam, si Spiderman ako!”

Hay, naku! Nanghihinayang kami sa kabanguhan ngayon ng takbo ng career ng sikat at guwapong young actor na ito. Napakaraming nangangarap na pumosisyon sa kinaroroonan niya ngayon, huwag na huwag sana niyang sayangin ang napakagandang oportunidad na paminsan-minsan lang dumarating sa buhay ng tao.

by Cristy Fermin

ADVERTISING