Ynna Asistio, dinamayan si Mark Herras sa pagpanaw ng ama

ADVERTISING

Ynna Asistio, dinamayan si Mark Herras sa pagpanaw ng ama

Ynna-AsistioPAGKATAPOS NG hindi magandang paghihiwalay nila Ynna Asistio at Mark Herras dahil sa pagakakaroon ng anak ng aktor sa kanyang dating handler habang magkarelasyon pa sila, nauwi rin sa pag-aayos ang lahat nang pumanaw nu’ng nakaraang Lunes, July 28, ang ama ni Mark na si Mr. Jun Herras. Isa si Ynna sa unang tinawagan ni Mark nang mamatay ang ama at dali-dali namang pumunta sa ospital ang aktres kasama ang inang si Nadia Montenegro.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagkita silang muli ng dating kasintahan pagkatapos ng paghihiwalay nila, kung kaya’t medyo naging awkward para kay Ynna ang sitwasyon. ‘Di na umiiyak ang dating kasintahan nang magkita sila pero ramdam ni Ynna ang sakit na nararamdaman ng ex dahil malapit ito sa ama.

Bilang suporta sa dating kasintahan, inabot  sila ng inang si Nadia Montenegro ng tatlong oras sa ospital at sinamahan pa nila si Mark hanggang sa dinala na ang bangkay sa punenarya. ‘Di inakala ng aktres na ganito ang magiging reaksyon ng ina dahil alam nito na masama ang naging loob nito kay Mark. Nang una niyang ikuwento ang pagtawag sa kanya ni Mark at sa nangyari sa ama nito, agad na nagsabi sa kanya si Nadia na kailangan nilang puntahan ang aktor para damayan ito. Dito nakita ni Ynna na sa kabila ng mga nangyari, parte pa rin ng pamilya nila ang ex-boyfriend lalo’t naging malapit talaga ito sa kanilang pamilya sa loob ng ilang taon nilang relasyon at tinuring talaga itong parang anak na ng kanyang ina.

Sa ngayon, bukas sa pakikipagkaibigan kay Mark pero hindi para maging malapit silang magkaibigan. Para kasi kay Ynna, hindi porke’t napatawad mo na ang isang tao ay ganu’n na lang uli na ibalik ang lahat sa dati, lalo’t nakikita niya na hindi pa ito ang tamang panahon pero welcome ito sa pamilya nila. Hindi rin naman kasi biro-biro ang pinagdaanan ni Ynna dahil sa break-up nila ni Mark. Lalo’t bukod sa ang aktor ang kauna-unahan niyang boyfriend, talagang seryoso siya sa kanilang relasyon at napalapit ito sa Pamilya Asistio. Sa ngayon nga, hindi pa rin bukas sa panibagong pakikipagrelasyon ang aktres dahil mukhang na-trauma ito sa nangyari sa kanila ni Mark.

ADVERTISING

Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA

ADVERTISING