Xian Lim, naniniwalang ‘di lang si Kim Chiu ang dahilan ng pagsikat niya

SA PAKIKIPAG-USAP namin kamakailan kay Xian Lim, idinepensa ng young actor ang sarili sa sinasabi ng iba na sumikat lang siya mula nang mapareha kay Kim Chiu. May punto naman ang young actor nang sabihin nito sa amin na teamwork ang sa kanila ni Kim at kung wala talagang chemistry, effort at tiwala sa parehong panig nila ng aktres, ‘di ito magiging ganu’n kaepektibo. Consitent pa rin sa mga pahayag niya na ang gusto lang niya ay maramdaman lagi ng kapareha na espesyal itong tao, mukhang tumatama naman ito sa puso ng young actress dahil inamin nito sa amin na isa si Xian sa nagpapasaya sa kanya.

Kinumpirma sa amin na may pelikula nga silang gagawin ni Kim at nakalinya rin ang isang teleserye na pagtatambalan nilang muli pagkatapos ng My Binondo Girl. Sa ngayon pa lang kasi ay marami nang natatanggap na mga e-mail ang ABS na humihiling na mapanood sana muli sa telebisyon ang tambalang Kim-Xian. Kung si Kim ay magpopokus ng atensiyon niya sa pelikulang The Healing, kung saan makakasama niya si Gov. Vilma Santos, abala naman ngayon si Xian sa shooting ng The Reunion, isang barkada film kung saan makakasama niya sila Enchong Dee, Kean Cipriano at Enrique Gil.

SA PRESSCON ng Ever Bilena, kung saan isa sa endorser si Grace Lee, ‘di na itinago ng TV host na nanliligaw nga sa kanya si P-Noy at personal na siyang ipinakilala nito sa mga kapatid. Masaya na mga papuri ang mga sinabi sa kanya ng Aquino sisters, excited din si Grace na makilala nang personal ang Presidential Sister na si Kris Aquino na nagpahayag din ng kagustuhan na makilala siya.

Minsang na-link sa ex-husband ni Kris na si James Yap, agad namang binigyang-linaw ng TV host na minsan lang silang nagkita sa isang salon dahil iisa ang kanilang stylist, kasama nito ang anak na si Bimby, pero hindi sila nagkakilala nang personal kaya nagtataka siya kung bakit na-link siya sa basketbolista.

Marami ang nagdududa na malamang ay hindi mag-work out ang relasyon nila ni P-Noy dahil sa malaki nilang age gap, 50 plus na ang pangulo samantalng 29 pa lang si Grace. Ayon sa TV host, ‘di siya nagkaroon kahit kailan ng boyfriend na mas bata sa kanya. Sa pakikipag-usap namin kay Grace, nakita namin na strong personality ito at ismarte, ‘di kataka-taka na ma-attract talaga ito sa mga mas matanda sa kanya at may mataas na estado sa buhay.

Sa tanong ng marami kung handa na ba siyang mag-asawa sa ngayon, sinabi naman ni Grace na 29 na siya at kung saka-sakaling umabot sa ganu’n ang magiging relasyon niya ay nasa tamang edad na siya. May mga hula kasing lumabas na kung mag-aasawa ngayong taong ito ay magiging suwerte kay P-Noy ang mapapangasawa at kung si Grace nga ito, mukha namang handa na kung saka-sakali sa magiging set-up ang TV host dahil tanggap at naiintindihan naman nito ang posisyong hinahawakan sa ngayon ng presidente.

PARA SA mga naka-miss ng ilang episodes ng E-boy, magkakaroon ng E-boy marathon ngayong darating na Linggo, February 12 mula 10:15 am hanggang 12:15 ng hapon. Dalawang oras para maumpisahan at mabalik-tanaw ang mga eksena na tumatak talaga sa ating puso, dito natin makikita ang magiging kaugnayan ni E-boy sa buhay ng bawat karakter sa nasabing serye.

Mapapanood pagkatapos ng TV Patrol, abangan ang mga higit pang papaganda at papainit na istorya ng E-boy.

Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA

Previous articleGov. Vilma Santos, magdiriwang ng 50 years sa showbiz!
Next articleLorna Tolentino, dismayado sa Singko?!

No posts to display