Xian Lim, kailangan ng puspusang acting workshop

Xian Lim, kailangan ng puspusang acting workshop

1 Xian-LimABA, ABA, aba! May halong katotohanan pala ‘yung intriga na kaya napalitan si Xian Lim sa isang bago sanang teleserye na kanyang lalabasan sa ABS-CBN ay dahil hindi umano kuntento ang director nito sa kanyang acting. Mayroon pa raw kasing sablay ang guwapong actor sa istilo ng kanyang pag-atake sa acting. Kahit pa nga sabihing nakapagbibida na siya sa pelikulang mayroon siyang ka-loveteam at ilang teleserye na rin ang kanyang nilabasan.

Pero sa totoo lang, pinagdaraanan naman talaga iyan ng mga artista. Na kahit sino pa siya at kahit sikat pa siya, kung hindi kumportable sa istilo niya ang director niya, nangyayari talaga ang palitan. Kung tutuusin din naman kasi, baguhan pa lang din naman si Xian sa industry para mag-expect tayo sa kanya na kasing-galing na rin siya nina Coco Martin at Paulo Avelino na habang patuloy na nagbibida ay may ibinibigay pang bago sa istilo ng kanilang atake ng pag-arte.

Nakalusot na si Xian sa showbiz. Nakagagawa na siya ng mga pelikulang kumikita at magagandang teleserye. Maingay na ang kanyang career, at mabenta na rin siyang product endorser, dahil nakabalandra na ang kanyang mukha sa mga billboard na nakakalat sa EDSA at kung saan-saan pa. Isabak na lang muna ulit siya sa acting workshop araw at gabi para lalo siyang mahasa sa pag-arte, dahil kailangan talaga iyan ng mga artista para magtagal sila sa showbiz, ‘noh!

ChorBA!
by Melchor Bautista