Willie Revillame, spoiled sa Dos?!

OLA CHIKKA! KAMAKAILAN lamang ay naglabas na ng pahayag ang ABS-CBN management tungkol sa closed-door meeting nila ni Willie Revillame. At simula kahapon ay naglabasan na sa tabloid ang mga iba’t ibang pananaw tungkol sa desisyong inilabas ng management ng Dos.

Hindi ko maintindihan kung bakit may duration ng bakasyon silang inilalabas sapagkat wala naman sa official statement ng network ang 3 months na bakasyon na pinagpipilitan ng ilang kolumnista. Ayon kay Mr. Bong Osorio, head ng ABS-CBN Corporate Communications, “Nagkausap na ang ABS-CBN management at si Willie Revillame kahapon. Inamin ni Willie ang kanyang pagkakamali at humingi ng apology sa ABS-CBN bunsod ng kanyang paghamon sa ABS-CBN management on-air noong May 4, 2010 at ang hindi niya pagpasok sa kanyang programa mula noong May 5, 2010.

Tinanggap ng ABS-CBN management ang apology ni Willie.

“Dahil sa mga pangyayari, nagkasundo ang ABS-CBN at si Willie na siya ay mag-break indefinitely, subalit ang obligasyon ng kanyang kontrata ay mananatili. Ang ibig sabihin nito ay hindi siya maaaring gumawa ng kaparehong trabaho kaninumang tao o kumpanya na direktang kakumpitensiya ng ABS-CBN.

“Muling mag-uusap ang ABS-CBN at si Willie sa takdang panahon upang pag-usapan ang mga gagawin para sa higit na ikabubuti ng mga manonood. Samantala, patuloy na magbibigay ng saya at inspirasyon ang Wowowee sa mga Pilipino sa buong mundo.”

O, nasaan ang 3 months du’n? Maaaring through verbal words lamang nila narinig iyon sa loob ng bakod ng Dos, ngunit hindi talaga ako naniniwala na babalik pa itong si Willie sa Wowowee. Maaaring pinapakiramdaman lang ng Dos kung hahanap-hanapin pa siya ng mga manonood.

Ngunit bakit kailangan pang maghintay ng ilang buwan para sa kanyang pagbabalik? At alam n’yo ba kung ano ang ibig sabihin ng indefinite leave? Ito ay kung saan ang talent ay maghihintay na lamang ng tawag ng mula sa management kung kailan kakailanganin ang serbisyo mo. ‘Di ba ganu’n lang kasimple.

At kung totoo ngang pababalikin pa ng management si Willie, parang ganu’n na lang din kabilis makakalimutan ang paghamon at kawalang-respeto na ipinakita ni Willie sa buong mundo maging sa management mismo ng Dos.

Ano ‘yun spoiled? Duhba? Say n’yo? Hmmm…

KAPAG ISA KA nga namang fanatic ay gagawin mo lahat maipagtanggol lamang ang iyong iniidolo, halos makipagpatayan na parang isang santo na kung sambahin.

Isa rin naman akong fan ngunit hindi tulad ng nakararami. Isa akong Noranian at sobrang iniidolo ko si Guy ngunit pagdating sa mga kalokohan at mga sabit na ginagawa niya, hindi ko ipinipilit na tama. Kung may maling nagawa ang kanilang iniidolo, huwag nilang piliting itama.

Isa na rito ang mga fans ni Sarah Geronimo. Halos kung kani-kanino ikinukumpara ang kanilang inididolo. Kung kay Judy Ann Santos pa lamang, wala pa siya sa kalingkingan ng kasikatan, eh ipagkumpara pa kay Kris Aquino?

Marami na kasi akong natatanggap na e-mail galing sa mga fans ni Sarah at kung anu-anong masasakit na salita ang kanilang sinasabi. Naiintindihan ko ang kanilang side, kaya inuunawa ko na lamang.

Isang payo lamang ang aking maibibigay, ugaliing mag-ingat sa mga ikinikilos at binibitiwang salita dahil kadalasan ay ang mga fans ang nakasisira sa career ng kanilang iniidolo. Sayang pa naman at talagang napakabait nitong si Sarah.

BLIND ITEM: PITIK-BULAG! Sino siya? Sino itong TV host comedienne na tila nagkaka-hydrocephalus na rin dahil sa unti-unting paglaki ng kanyang ulo?

Ganu’n ba talaga kapag ka nakapagpapaangat ka ng ratings ay kung makaasta ka, akala mo kung sino ka na? Kunsabagay lahat naman ng tao ay nagbabago, ngunit konting ingat naman.

Sino itong TV host comedienne? Ay naku hindi na kailangan ng clue, comedienne nga, eh! Ha-ha! ‘Yun na!

AT HUWAG N’YO pong kalimutan ang aking OLA CHIKKA PRODUCTIONS para sa advertisement, guesting, exposure, shows at everything regarding entertainment. For inquiries just call us at 417 6181 at 0927 428 4216. Nais ko lamang pong linawin na hindi ko po personal numbers ang mga iyan. Lahat ng iyan ay office numbers kaya para sa mga updates sa akin at comments, maaari po kayong mag-send sa akin ng e-mail sa [email protected]. Maraming salamat po and God bless us all!

Ooola Chika
E-mail: [email protected]
by Tita Swarding

Previous articleNasira ang vocal chords at maga pa ang mukha: Nora Aunor, idedemanda ang doktor na nag-opera sa kanya!
Next articlePinoy Parazzi Vol. III Issue #316: May 27, 2010

No posts to display