Willie Revillame, niligawan ang buong pamilya ni Shalani Soledad

Willie Revillame, niligawan ang buong pamilya ni Shalani Soledad

Willie Revillame, niligawan ang buong pamilya ni Shalani SoledadMAINIT ANG NAGING pagtanggap ng lahat kay Shalani Soledad nang i-launch siya last Monday bilang co-host ni Willie Revillame sa Willing Willie. Kahit medyo halatang kabado at nangangapa dahil first time lang sumabak sa hosting, cute silang tingnan ni Willie bilang tandem.

Extreme opposite nga sila kung tutuusin. Si Willie, maharot at madaldal samantalang si Shalani, ubod nang hinhin na halos ‘di makabasag-pinggan. Gano’n pa man, may chemistry nga sila.

Bakit nga ba si Shalani ang napili ni Willie na kuning co-host para sa show niya sa TV5? Ano ang nagustuhan niya sa dalaga?

“’Yong pagkatao niya,” kaagad na sagot ng TV host. “Para siyang si Lady Diana, eh. Tapos at the same time, simple siya.  Wala kang maririnig sa kanya. Ang tingin ko, magiging asset siya sa programa. Kasi maganda ang purpose niya sa buhay kaya maganda siyang maging kasama.

“Kumbaga parang ano ‘yan, eh… dapat merong heart and soul ang programa. I could be the soul and she could be the heart. Kasi, hindi ko naman magagampanang lahat ito, eh. Dapat may katulong din akong isang tao na… kasi may isang segment din ako na naisip para sa kanya na kakatok sa bahay ng isang taong talagang walang-wala na pagbukas ng bahay, marami siyang sorpresa.

“Okey siya. Actually bago namin siya i-launch no’ng Monday (November 8), Friday (November 5) kami nag-rehearse, at okey naman. Nagulat nga ako dahil no’ng launch na niya, naka-deliver naman siya nang maayos. Sabi ko nga, si Shalani ba ‘yan? Iba na kasi kumpara no’ng nagri-rehearse pa lang kami.”

Nakakagulat nga ang biglang pagsabak ni Shalani sa larangan ng TV hosting. Marami ang nagtataka kung paanong ang isang simple at ni hindi sanay na humarap sa camera ay napapayag ni Willie na maging co-host niya. Ano nga ba ang naging convincing factor?

“Wala. ‘Yong pagiging totoo lang. Sabi ko nga sa kanya… tinanong ko lang siya, gusto mo bang makagawa ng kabutihan?  Tulungan mo ako. Kasi gusto kong makagawa ng mabuti. Na… kung sincere ka, ‘eto ang programang puwedeng makatulong sa kapwa.

“Actually, nag-meeting kami sa bahay. Nakipag-meeting siya sa akin kasama ang pamilya niya. Ang dami nila. Just to go there to say no. Talagang sabi ng nanay niya, no… no… no, ayaw nila.

“Kasi nga baka sabihin… may mga expectation sa kanya. Pero no’ng kinausap ko sila, sabi ko, bakit kayo matatakot eh, kabutihan naman ang gagawin natin? At saka bakit mahihiya? Meron ka bang masamang gagawin, Shalani? Lahat naman ng ito ay pagtulong at pagbibigay ng saya.

“Tapos nag-meeting sila. Iyon nga, na-convince. Hanggang humingi na ng meeting with MVP (Manny Pangilinan). Tapos okey na. Hanggang sa winelcome na namin.”

The very first time pa lang daw niyang makita nang harapan si Shalani, napahanga na raw si Willie sa dalaga.  Marami raw itong magagandang katangian na ikabibilib mo raw talaga.

“Nakita ko sa kanya, mapanindigan, maprinsipyo, at totoong tao,” aniya pa.

Tuluy-tuloy ang pagratsada sa rating ng Willing Willie. Nakakapanibago nga dahil laging matao ang loob at labas ng TV5 compound sa Novaliches. Ang laki rin ng ipinag-iba ng building ng nasabing network na newly-renovated lahat pati ang canteen nito. Parang hotel na ang kapaligiran.

“Alam mo, hindi ako ang nagbago niyan. Ang nagbago niyan eh, ang sambayanan. Kahit anong ganda ng istasyon natin kung wala namang tao, bale-wala, eh. Kaya nga pagdating ko rito, kinausap ko kaagad ang management, puwede ba akong makialam?

“Sabi ko, baguhin natin ang canteen. Lahat ng kisameng butas, ayusin.”

At ‘yon na, buong building ng TV5 ay na-make-over talaga.

Sunod naming naitanong kay Willie, bukod kay Shalani, may iba pa ba siyang naiisip na kuning co-host din?

“Depende. Kasi kung may gustong sumama kay Shalani na mas makapagbibigay sa kanya ng kumbaga, saya. Gusto kong sumaya si Shalani. Para sumaya lahat. Puwedeng isang komedyanteng babae na maganda. Na parang iyon ang sidekick niya.”

Asahan nang darating ang panahong mali-link sina Willie at Shalani sa isa’t isa.  Hindi talaga maiiwasan iyon.

“You have to respect Shalani.  At the same time, hindi naman porke kasama mo eh, puwede nang i-link. Siyempre ang lahat eh para sa programa.”

Ganyan?

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan