Walang keber sa unang naanakan James Yap, anak lang kay Kris ang hinahabol

ADVERTISING

Walang keber sa unang naanakan James Yap, anak lang kay Kris ang hinahabol

Walang keber sa unang naanakan James Yap, anak lang kay Kris ang hinahabol  NANG MAGPA-INTERVIEW ANG ina ni James Yap na si Annie Yap, nairita na si Kris Aquino dahil sa nasaktan ito sa mga nasabi sa Showbiz Central. Kaya nag-dialouge ito na lola rin naman daw siya ni Baby James, kadugo niya ito, ano kaya ang naramdaman nito kapag mapanood ni Baby James paglaki niya na sinisiraan nito ang nanay niya?

Pagkatapos nu’n, kasabay ng pag-file ni Kris ng Nullity of Marriage nila ni James, isinampa rin nito ang sole custody of the child at umabot na sa pagtatanggal daw ng apelyido na Yap sa pangalan ni Baby James.

Kaya humarap na si James sa media nu’ng kamakalawa ng hapon kasama ang abugado nitong si Atty. Lorna Kapunan para ipaglaban daw ang kanyang karapatan bilang ama ni Baby James.

Sa Biyernes ay magpa-file si James ng Motion for Provisional Award of Visitation Rights para kontrahin ang isinampang sole child custody na hinihingi ni Kris.

ADVERTISING

Ang hinihingi ni James ay mabigyan daw siya ng regular na schedule na makasama ang kanyang anak ng at least dalawang beses sa isang linggo. Puwedeng sa Biyernes daw ay magdamag sa kanya hanggang kinabukasan.

Hiningi rin ni James na mabigyan siya ng pagkakataong madala niya si James sa bayan niya sa Escalante, Negros Occidental para mapalapit naman daw ang kanyang anak sa pamilya ni James.

Siyempre, lalong nairita ang Kris, ‘di ba? Sabi nga niya, hindi naman daw niya ipinagkakait ang bata at nag-text naman daw ito kay James na dalawang beses sa loob ng isang linggo niya puwedeng makita ang bata, bakit nagpa-presscon pa ito at nagsalita pa ng ganu’n.

Hay naku! Ang nakakaawa sa gulong ito siyempre, si Baby James.

Nagtataka naman ako rito kay James. Bakit ang anak lang niya kay Kris ang hinahabol niya at gustung-gusto niyang makita? Bakit parang wala naman siyang keber sa unang naanakan niya? Inalam ba niya kung nasaan na ito at kung pananagutan din ba niya ang anak niya roon sa isang babaeng naanakan niya?

NAGULAT NAMAN AKO nang napanood ko sa Showbiz Central ang interview kay Jana Roxas na buntis na rin pala ito.

Kinantiyawan ko tuloy ang alaga kong si Alfred Vargas na lahat na yata na ex-girlfriend niya, nabubuntis. Parang ang hina niya yata!

Si LJ Reyes ang unang nabuntis courtesy of Paulo Avelino, at ngayon naman, si Jana na may nakaraan din kay Alfred.

Siyempre, natatawa na lang ang alaga ko dahil mas focused naman daw siya ngayon sa bagong responsibilidad niya bilang konsehal ng district 2 ng Quezon City.

Nandiyan naman ang girlfriend niyang si Yasmine Espiritu na todo ang suporta sa kanya at talagang sinasabi na ni Alfred na ito na ang babaeng pakakasalan niya.

Ang alam ko, engaged na sila pero quiet lang muna ang aktor. Kaya abangan na lang natin kung kailan nila ia-announce ang kasalan.

Si LJ naman ay haping-hapi na sa baby nila ni Paulo at inaayos na nga niya ngayon ang papeles ng anak niya para makauwi na sila rito.

Balak ni LJ na bago matapos ang October ay babalik na sila rito para makita na ito ni Paulo. Bago raw sila uuwi rito ay pabibinyagan daw muna niya roon sa Amerika, pero kailangang may binyagan din dito, dahil marami silang na-commit na magni-ninong at magni-ninang dito.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

ADVERTISING