Vivian Velez, pagsasabungin ang dalawang serye sa Dos at Singko

ADVERTISING

Vivian Velez, pagsasabungin ang dalawang serye sa Dos at Singko

Vivian Velez, pagsasabungin ang dalawang serye sa Dos at SingkoIN-DEMAND NGAYON si Ms. Vivian Velez sa telebisyon, dalawang soap ang ginagawa niya. ‘Yung isa sa Singko at ‘yung isa, Maria Mercedes ng Kapamilya Network. Parehong kontrabida roles ang ginagampanan niya sa mga ito. Kahit lagare sa pagte-taping ang magaling na actress, enjoy naman daw siya sa characters na kanyang pino-portray.

Ayon kay double V, very challenging on her part to be a kontrabida, ibang lever of performance daw ang mapapanood ng viewing public once na ipalabas na ito sa telebisyon.

Curious ang marami kung bakit tinanggap ni Vivian ang teleserye sa Singko kahit wala namang viewers ang kanilang mga palabas. Kung mayroon mang nagre-rate, palagi naman silang kulelat sa rating, almost number 3, hindi umusad-usad. Ipinaliwanag naman ni Ms. Body Beautiful na ‘yung role ang dahilan kung bakit niya ito tinanggap. May nagsasabing mas mataas daw ang TF niya sa Kapatid Network kaya napilitan na lang itong gawin ang soap.

“Hindi naman, secondary lang ‘yung TF, importante sa akin ‘yung role. Kailangang mabasa ko muna ang storyline, script, bago ko ito tanggapin. Of course, importante rin kung sino ang nasa cast and who will direct the show,” say ni VV.

ADVERTISING

Pagdating sa project, movie at television, maingat si Vivian. Hindi siya agad-agad tumatanggap kung hindi rin lang babagay sa kanya ‘yung role. Gusto niyang gumanap ng iba’t ibang character na hahamon sa kanyang kakayahan as an actress. Marami na rin siyang tinanggihang offers, ayaw na lang niyang banggitin kung ano ang mga ito.

Balita naming isasabay raw ng Singko ang soap ni Vivian sa teleserye rin niyang Maria Mercedes ng ABS-CBN. Gusto nilang patunayang mas maganda ang show nila kaysa sa Dos. Ang lakas naman ng loob nitong number 3 network na makipagsabayan. Kailan ba nag-number 1 ang kanilang mga drama-series? Mga shows na hindi mo namalayan, natapos na pala.

Apektado kaya si VV kung mangyari ito na pagsabungin ang kanyang dalawang show na parehong pang-primetime? “Nakalulungkot kung mangyayari nga ‘yun, nasa network ‘yun. Artista lang ako, wala akong karapatang manghimasok. Sila ang nakakaalam kung ano ang makabubuti para sa show at sa kanilang istasyon. Ang focus ko, ‘yung role, kaiinisan ninyo ako rito. Marami ang magagalit sa akin sa gagawing kong pang-aapi kay Jessy Mendiola,” natatawang sabi ni double V.

Nang maka-tsikahan namin si Manay Gina Tagasa, head ng Creative Department ng Maria Mercedes, sinabi nito na tailor-made para VV ‘yung role. Bagay na bagay raw sa personality ng actress ‘yun character na ipo-portray niya.

Kinarir ni Ms. Vivian ang dalawang character na gagampanan niya sa nasabing drama-series. Ultimo make-up, wardrobe na isusuot sa bawat eksena kailangang swak sa eksenang kukunan. May sariling make-up artist at stylist ang actress kaya’t naiibang Vivian Velez ang inyong mapapanood.

Ayaw man aminin ni VV,  ang pagkakaalam namin, nag-shopping pa ito sa US para sa mga isusuot niya sa nasabing soap. Puros signature ang gagamiting outfit nito na ikawiwindang daw natin, tsika sa amin ng production staff. Ganu’n?

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield

ADVERTISING