Vice Ganda, palaban pa rin sa pagpapatawa

ADVERTISING

Vice Ganda, palaban pa rin sa pagpapatawa

Vice-GandaSobang busy pa rin naman ngayon si Vice Ganda. Bukod sa programang “It’s Showtime!” at “Gandang Gabi, Vice!” niya sa ABS-CBN, pukpukan din ang shooting niya para sa pelikula nila ni Coco Martin na panlaban din ng Star Cinema sa darating na Metro Manila Film Festival. Tanggap na ng sikat na komedyante na binabaril siya ngayon ng mga intriga dahil sa katapat nilang programa, ganu’n din ang pagsikat ng tambalang AlDub na ikinukumpitensiya rin sa kanya ang popularity.

Adik ngayon si Vice na magtrabaho, dahil nakalilimutan niya pansamantala ang mga intrigang ibinabato sa kanya. Grabe nga naman kasi ang nangyari. Na dahil lang sa markado talaga siya bilang isa sa mga poste ng programa nila nina Anne Curtis at Vhong Navarro, siya ang laging pinatututsadahan ng mga pagkukumpara. Nagkakapersonalan na rin, at para lang siya ilaglag ay sinasabi nang laos, samantalang ang dami-dami pa rin niyang raket at nariyan pa rin naman ang kanyang mga fans.

Ilang taon nang napakalakas sa takilya ng mga pelikula ni Vice, at sa totoo lang din, inuuga-uga ng kanyang mga pelikula ang kita sa takilya ng mga pelikula ni Vic Sotto kapag nagkakataon na pareho silang mayroong mga kalahok na pelikula sa pestibal. Pagdating sa comedy, maraming fans si Vice, dahil may kakaiba siyang istilo kumpara sa mga beteranong nagpapatawa. Darating din naman ang panahon niya, na hindi na uso ang kanyang istilo. Pero sa ngayon, nangangabog pa rin siya at sobrang palaban pa rin ang istilo niyang magpatawa, at magkakaalaman iyan sa kita ng kanyang pelikula sa MMFF. Abangan na lang, huh!

ChorBA!
by Melchor Bautista

ADVERTISING
ADVERTISING