Vhong Navarro, bugbog-sarado sa 6 na kalalakihan

Vhong_Navarro NAKATAKDANG SUMAILALIM sa isang surgery sa darating Lunes ang komedyante at It’s Showtime host na si Vhong Navarro, na kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital. Ito ay matapos siyang bugbugin ng anim na kalalakihan sa The Fort, Taguig City, noong Miyerkules, January 22.

Lumabas ang balita ng pambubugbog kay Vhong, gabi ng Biyernes, Januray 24.

Sa ipinadalang statement ng manager ni Vhong na si Direk Chito Roño sa abs-cbnnews.com, sinabi nitong “Si Vhong Navarro ay naimbitihan sa isang condominium unit sa Fort ng isang kaibigang babae.At sa di pa malamang kadahilanan, siya ay piniringan, pinagtulungang bugbugin, ginapos, tinakot, at hinihingan ng pera ng isang grupo ng kalalakihan noong January 22, Miyerkules.”

“Si Vhong ay kasalukuyang nagpapagaling at mawawala ng pansamantala sa ‘It’s Showtime’ at iba pa niyang proyekto.” Dagdag pa ni Direk Chito.

Bagama’t nakakikilos at nakapagsasalita na raw si Vhong, ayon kay Direk Chito, hindi pa rin daw maayos ang lagay nito.

Inaasahan naman ni Direk Chito na masasampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek sa sandaling makapagbigay na ng kanyang statement si Vhong.

Dating kasal si Vhong sa actress na si Bianca Lapus at may dalawa siyang anak na lalaki. Na-annul ang kasal niya kay Bianca noong 2010.

Nauna na rin inamin ni Vhong mayroon siyang non-showbiz girlfriend at apat na taon na silang magkasintahan.