Toni Gonzaga at Paul Soriano, sa Amanpulo nagha-honeymoon

Toni Gonzaga at Paul Soriano, sa Amanpulo nagha-honeymoon

1 Toni-Gonzaga-Paul-SorianoKITA SA mukha nina Toni Gonzaga at Paul Soriano ang kaligayahan bilang newly wed couple nang bumungad sila sa lobby ng The Theater ng Solaire Hotel & Casino kung saan ginanap ang awards night ng Guillermo Mendoza Memorial Foundation noong Sunday, June 14.

Si Toni ang pinarangalang Box-Office Queen, samantalang Box-Office King naman si Piolo Pascual. Ito ay sa mega-blockbuster na pelikulang Starting Over Again na kanilang pinagtambalan sa Star Cinema.

“Sobrang blessed at sobrang grateful na… dumating ‘yong ganitong blessing sa buhay ko. At this point in my life,” nangiting sabi ni Toni.

Kumusta ang buhay may-asawa?

“Ito… parang gano’n pa rin, on a high,” sagot ng actress at TV host.

Nangiti namang dugtong ni Paul… “Happy ba kayo? Thank you!” patungkol niya sa pag-congratulate sa kanila bilang bagong kasal.

Parang ang bilis nilang naplano ang kanilang kasal. Na pagka-announce nila ng engagement, maikling panahon na lang ang hinintay ng lahat at wedding na nila.

“Kasi after no’ng proposal, hindi na namin ipinublicize ‘yong preparation. Because I was doing a film, ‘yong You’re My Boss. And ayon… ayoko nang makahati pa ‘yon sa promo ng pelikula. Kasi iba ‘yong pelikula, iba ‘yong totoong buhay na pagpapakasal ko. Kaya nangyari lahat nang tahimik at matiwasay. Hanggang sa ikinasal na kami.”

Anong feeling na Mrs. Paul Soriano na siya ngayon?

“Nakapaninibago. Siguro no’ng aalis na ako ng bahay, doon nag-sink in lahat sa akin na parang… naging emotional. Medyo naiyak ako. Kasi 31 years ng buhay ko, kasama ko ang parents ko, e. So, parang ang weird na… iba na ‘yong kasama ko sa bahay. Masaya ako siyempre sa bagong chapter ng buhay ko. Kaya lang siyempre, siguro ‘yong separation anxiety sa family. But… ayon, exciting kasi nagagawa ko na lahat ng gusto kong gawin. Kung gusto kong umalis ng bahay. Kung gusto kong umalis bukas. Kung gusto kong huwag matulog, kung gusto kong magpuyat. Kung gusto kong mag-drive,” sabay ngiti ni Toni.

Ang kapatid niyang si Alex Gonzaga, sobrang emotional din daw sa pagbukod na ng bahay ni Toni.

“Hindi mo maiaalis ‘yon. Sa 31 years ng buhay ko, siya ‘yong roommate ko, e. Siya ‘yong partner ko talaga sa bahay, e. So, ngayon, si Paul na.”

Kamusta ‘yong first morning na paggising niya bilang Mrs. Paul Soriano?

“Late akong nagising, e. Mas nauna siyang nagising. Wala na akong katabi paggising ko. ‘Yon pala, siya ang nagri-ready for everything.”

Dugtong na pahayag ni Paul… “We prepared a good lunch. I got some of her favorite food to be brought to the house. So that when she wakes up, she had her favorite food on the table.”

Pahabol naman ni Toni… “Siya pa rin ang nag-aalaga. Ang bait niya!”

Saan ang honeymoon? Ano ang kanilang plano kaugnay nito?

“May gift ‘yong isa sa mga ninang namin. Actually ang tagal na nito. Sabi ni Ate Kris (Aquino)… Toni, grabe you’re gonna get married so finally you can travel with Paul na kayo lang! Hindi na ‘yong magkahiwalay ‘yong airplane tapos magkikita na lang do’n sa family. Sabi niya… sa’n n’yo gusto unang pumunta? Siyempre maraming bansa. We want to explore Europe. We want to explore different countries, cultures, and then experience different food. Tapos sabi ko… pero uunahin ko muna siguro ang Pilipinas, ‘yong pinakasikat dito sa atin na pinupuntahan ng mga Hollywood stars, ng mga celebrity.”

Ang tinutukoy ni Toni ay ang Amanpulo sa Palawan.

“Sabi ko… sige, ‘yon. Kasi pangarap na pangarap ko na magpunta ng Amanpulo kaya lang ayaw ng family ko. Hindi kasi sila mga beach person. Kahit anong yaya ko na mag-Amanpulo kami, ayaw nila. Kaya sabi ko… kapag nag-asawa ako, pupunta ako ro’n. Kaya iyon ang gift niya (Kris).”

At noong Lunes nga, June 15, lumipad patungo sa nasabing worl-class island resort ang bagong kasal.

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan