‘The Good Daughter’ ni Kylie Padilla muling mapapanood sa GMA Afternoon Prime

SIMULA ngayong Martes, July 27, ay muli nang mapapanood sa GMA Afternoon Prime ang toprating family drama series na ‘The Good Daughter‘ na pinagbidahan ni Kylie Padilla. Ito ang papalit sa timeslot ng ‘Ang Dalawang Mrs. Real’ na nagtapos noong Biyernes.

'The Good Daughter' ni Kylie Padilla muling mapapanood sa GMA Afternoon Prime
The Good Daughter

Ang ‘The Good Daughter’ ay kuwento ni Bea (Kylie Padilla), isang dalaga na nabubuhay ng marangya sa piling ng kanyang magulang na sina Rico (Raymond Bagatsing) at Tina (Glydel Mercado).

Nagbago ang lahat sa kanyang 18th birthday party. Biglang dumating si Sharon (Alicia Mayer) bitbit ang anak na si Julia (Angelie Sanoy), na second family pala ng kanyang ama.

Dahil sa galit sanhi ng rebelasyong ito ay tatakbo palabas si Tina, kung saan ito’y maaaksidente at mamamatay. Dito mag-uumpisa ang dagok sa buhay ng ating bida.

Sa pagkamatay ng kanyang ina ay nagalit si Bea sa kanyang ama at sinisi niya ito kaya’t siya’y lumayas at pumunta sa probinsya ng kanyang ina sa ilalim ng pangangalaga ng kanyang Lola Lourdes. Dito ay natuto siyang mamuhay ng simple lamang.

 

Hindi alam ni Bea na unti-unti nang nilalason ni Sharon ang utak ni Rico hanggang sa ito’y magkasakit na. Inangkin nito ang lahat ng kanilang pagmamay-ari. Dahil dito ay babalik ang ‘good daughter’ para ipagtanggol ang ama at kunin ang nararapat na sa kanya lamang.

Kasama sa ‘The Good Daughter’ sina Raymond Bagatsing, Glydel Mercado, Alicia Mayer, LJ Reyes, Angelie Sanoy, Max Collins at Rocco Nacino, na gumanap bilang kanyang love interest.

Mapapanood muli ang ‘The Good Daughter’ tuwing 4:15PM sa GMA Afternoon Prime.