Sunshine Guimary na-trauma sa pa-house tour na ginawa sa vlog

Leo Bukas
MAY NEGATIBONG epekto ang ginawang pa-house tour ni Sunshine Guimary sa  kanyang vlog na inupload niya noon sa YouTube. Ito ang inamin niya sa ginanap na digital mediacon ng pelikulang House Tour ng Viva Films.

“Trauma ang nangyari sa akin, as in! Two weeks na hindi ako lumabas at hindi ako puwedeng walang kasama, as in,” pagtatapat ni Sunshine.

Sunshine Guimary na-trauma sa pa-house tour na ginawa sa vlog
Sunshine Guimary

Halos pareho ang kuwento ng  House Tour sa na-encounter ni Sunshine. Yon nga lang, hindi naman pinagnakawan ang bahay niya at wala ring krimeng nangyari.

Lahad niya, “Yon ang lesson talaga. What if worst ang nangyari. Kaya dito sa House Tour, paano pala kung ganito ang nangyari, buhay pa kaya ako?

“Lesson learned sa akin na nag-house tour ako sa bahay ko na hindi ko dapat ipinakita nang buong-buo mula sa pagpasok sa gate at kung saan ko inilalagay ang mga gamit ko sa loob ng bahay.”

Ayon pa sa kwento ni Sunshine, ginawa niya ang house tour sa kanyang vlog dahil naubusan na siya ng content. Isa rin daw sa nire-request at inaabangan ng kanyang viewers  at subscribrs ang kanyang pa-house tour sa Youtube.

“Bilang vlogger at YouTuber darating talaga sa part na mauubusan kayo ng content at once kasi na yung mga suki mong viewers, number one talaga nilang nire-request yung house tour. So nagawa ko nga at I regret talaga na ginawa ko na madetalye, na mali ko na hindi ko dapat ginawa.

“Lahat ng nakatayo sa bahay nasabi ko, ganu’n ka-informative.  Nag-regret ako kasi masyadong madetalye pati wardrobe kung saan ko inilalagay lahat ng gamit ko pagdating ko sa bahay nandon sa vlog ko,” simulang pagdedetalye ni Sunshine sa nangyari.

Patuloy niyang kuwento, “Nag-regret ako kasi to the point na masyadong detailed. Kasi later on may dumating sa bahay na stalker. Lumipad siya from ganitong place dumating siya sa subdivision tapos sabi niya poprotektahan daw niya ako something-something.

“Nagsiga-siga na si guard at sinamahan sa bahay ko. Sabi ko, ‘Bakit n’yo tinunton sa bahay, puwede naman sa admin office na lang (ng subdivision)?’ Eh, kasi ako raw ang sadya.

“Yung tao dumating ng 2 a.m. Sabi ko, ‘Paalisin n’yo po o mag-book na lang siya sa hotel o kung anuman diyan at mag-usap na lang kami kinabukasan.’ Kasi 2 a.m. nangyari, tulog na ako at tumatawag yung guard.

“Sabi ko, hindi ko siya kakausapin kasi hindi tama yung oras. So yung mama  naghintay hanggang kinabukasan. 6 a.m. na nandoon pa rin siya sa guardhouse at ayaw niyang umalis.

“So dinala ni guard sa bahay yung mama at alam niya ang location ko lahat at nandoon siya sa front gate. So tinanong ko kung anong sadya at sabi niya, mahal na mahal daw niya ako at poprotektahan niya ako kasi may a-attack daw sa akin.

Sunshine Guimary na-trauma sa pa-house tour na ginawa sa vlog
Sunshine Guimary

“Natapos kami 8 a.m., as in mainit na sa labas. Lahat kami pawis na pawis at kaming lahat gutom na kasi walang breakfast. So, it turned out na tumawag na lang kami ng pulis at sabi ko na kung gumastos siya ng pamasahe ako na po magpapamasahe sa kanya pabalik kung saan man siya galing.”

Pinayuhan din ni Sunshine ang ibang vloggers na balak gumawa ng house tour para sa kanilang channel.

“Kung plano ninyong magpa-house tour, pag-isipan ninyong mabuti as in 10 times,” diin niya.

Anyway, kasamang bida ni Sunshine sa House Tour na mapapanood simula Oct. 22 sa Vivamax sina Cindy Miranda, Marco Gomez, Diego Loyzaga at Mark Anthony Fernandez. House Tour is directed by Roman Perez Jr.