Sunshine Dizon, nagpapa-release na sa GMA-7 – Ruben Marasigan

Sunshine Dizon, nagpapa-release na sa GMA-7 - Ruben Marasigan

Sunshine Dizon, nagpapa-release na sa GMA-7 - Ruben MarasiganHindi pa rin nariresolba ang ‘di pagkakaunawaan sa pagitan ni Sunshine Dizon at ng GMA 7 na nag-ugat sa pagkawala ng aktres sa Tinik Sa Dibdib kung saan si Nadine Samonte ang humalili sa kanya.

Sumama ang loob ni Sunshine na nagiging negatibo ang dating niya dahil dito, na para bang ipinalalabas na may attitude problem siya kaya kinakastigo ngayon ng Siyete.

Bago pa kasi nangyari ang insidenteng hindi nasipot ni Sunshine ang taping dahil sa na-confine siya sa ICU for almost 24 hours for migraine, nakikiusap na raw ang aktres kung puwedeng hanggang 2 A.M. lang ang  taping niya para may sapat na tulog naman siya.  Three times a week kasi ang taping niya mula early in the morning until 4 A.M. the following day.

Hindi raw napagbigyan ang hiling niya na okey lang naman daw kay Sunshine.  Ang hindi okay, kinabukasan paglabas ng ospital, gusto raw ng production na mag-taping na siya pero hindi pa raw kaya ng aktres.  After two days na pahinga, nagpasabi raw si Sunshine na okey na siya pero ang nakuhang sagot umano from the production people— huwag na lang siyang mag-taping.

Ang sumunod na pangyayari na nga raw ay ang paglabas ng balitang pinalitan na siya ni Nadine since nagiging masasakitin nga siya.

Bunsod nito, nagdesisyon nga si Sunshine na magpahinga muna.  Ang latest development, last Friday ay nagpapa-release na raw si Sunshine sa GMA, pero wala pa raw sagot o desisyon ang network hanggang ngayon.

MUKHANG INSPIRED SI Jopay Paguia sa bagong season ng Daisy Siete na My Shuper Sweet Lover kung saan leading man niya ang real-life boyfriend na si Joshua Zamora .

“Oo, plus factor nga kapag sa trabaho kapag real life dyowa ang kapareha mo,” pag-amin niya.  “Medyo mahirap din kasi kapag trabaho, trabaho talaga.  Hindi puwedeng ipasok ang personal.

“And… kung sweet kami in real life, kailangan mas sweet kami rito.  Although may mga eksena ring para kaming aso’t pusang away nang away.”

Dahil annulled na ang kasal ni Joshua sa unang asawa, mas open na raw sila sa publiko about their relationship.  Umabot din pala ng almost five years ang kanilang paghihintay bago na-grant ang nasabing annulment.

‘Yon nga lang, malabo pa rin ang kasal.  Napag-uusapan pero nananatiling wala pa ring definite plan kung kailan.  Ang dahilang sinasabi nila pareho— ayaw nilang magmadali.

NASA BANSA NGAYON ang Pinoy na American Idol Season 6 finalist na si AJ Tabaldo to try his luck bilang baguhang recording artist.  Dalawa sila ni Bernie Ann na sumikat na Fil-Am concert performer sa U.S. na ginu-groom ngayon ng Universal Records bilang singing tandem.  Katatapos lang i-launch ng kanilang album sa SOP last Sunday.

So far, maganda naman ang feedback sa kanilang dalawa at sa soon-to-be released nilang CD album entitled Isang Katulad Mo na siyang pamagat din ng kanilang carrier single.  Aside from other duets ay may mga solo songs din sila.  Karamihan sa mga kantang laman ng album ay likha ng pamosong composer na si Vehnee Saturno.

And next week, October 27, they will be having a concert at the Metro Concert Bar sa West Avenue, Quezon City kasama si Aiza Seguerra.

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan