Sunshine Cruz, ayaw nang makipagkasundo kay Cesar Montano

Sunshine Cruz, ayaw nang makipagkasundo kay Cesar Montano

Sunshine-Cruz-Cesar-MontanoHINDI PALA natuloy ang paghaharap nina Cesar Montano at Sunshine Cruz sa hearing ng annulment case nila nu’ng kamakalawa ng hapon.

Ginanap ang hearing sa sala ni Judge Angelene Quimpo-Sale ng QC RTC at si Cesar lang ang dumating kasama ang abogado niyang si Atty. Joel Ferrer. Ang abogado lang ni Sunshine na si Atty. Alentajan ang sumipot dahil sa may taping daw ang aktres at masama pa nga raw ang pakiramdam nito.

May gag order kaya hindi sila puwedeng magsalita tungkol sa kaso. Basta ang sabi ni Atty. Alentajan, ayaw na raw ni Sunshine ng settlement of properties.

Hindi lang natin alam kung ano talaga ang gusto ng aktres, pero ang isa sa gusto niyang mangyari ay ang custody sa tatlo nilang anak.

Abangan n’yo na lang sa Startalk ang kuwentong ito, dahil mukhang malungkot daw si Cesar nang lumabas ito ng korte.

Ang sabi lang ng aktor, sana magsalita na raw ng buong katotohanan ang mga anak nila.

Huwag daw sanang magpadala sa mga sulsol o ano ang itinuturo sa kanila.

Hindi raw totoo ang ibinibintang sa kanya, at naniniwala raw siyang lalabas din naman ang buong katotohanan.

Sa susunod na linggo ay itutuloy ang hearing at malamang na maghaharap sila roon.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis