Sorpresa para kay Ina

ADVERTISING

Sorpresa para kay Ina

SA IKA-11 ng Mayo, atin nang ipagdiriwang ang Araw ng mga Ina. Mga bagets, may naisip na ba kayong sorpresa o regalo para sa pinakaespesyal na babae sa buhay n’yo? Tutulungan ko kayo riyan. Pero bago ‘yan, paano nga ba nagsimula ang Mother’s Day?

Ang Araw ng Ina ay isang pagkilala sa bawat nanay sa mundo para sa kanilang wagas na pagmamahal, pag-aalaga at pagsasakripisyo sa kanilang pamilya. Bawat bansa may kanya-kanyang bersyon ng pagdiwang ng Mother’s Day. Hindi rin uniporme ang araw. Halimbawa na lang, dito sa Pilipinas at karamihan sa ibang bansa, idinaraos ang Mother’s Day sa ikalawang Linggo ng Mayo. Sa bansang Amerika naman nagsimula ang Mother’s Day noong 20th century.

Kung nag-iisip kayo ng magandang regalo para sa inyong minamahal na mga Ina. Ito lang sasabihin ko sa inyo, hangga’t maaari, huwag lang kayo bibili. Bakit hindi kayo mismo gumawa ng ibibigay n’yo? Personalized ‘ika nga para mas espesyal.

 

ADVERTISING

Thousand Origami Cranes

Ang origami cranes ay nagmula sa bansang Japan. Simple lang ito, gagawa ka ng maliliit na origami cranes at kapag umabot ka na sa ika-isang libo mong origami crane, ikaw ay gumawa ng isang kahilingan para sa aalayan mo nito. Kadalasan, magandang kalusugan, mahabang buhay, matagumpay na kabuhayan ang hinihiling ng mga gumagawa nito.

 

Nanay Gift Certificates

Ang personalized gift certificates ay katulad lamang ng mga karaniwang ginagamit o nakikita n’yo. Ang kinaibahan lang nito ay personalized ito, kumbaga ikaw mismo gagawa ng gift certificate. Paano ito? Simple lang. Gayahin ang format ng isang GC, mag-isip ng kakaibang premyo na nilalaman ng GC na ito. Puwedeng isang oras na masahe sa katawan, taga-luto ng isang araw, personal alalay ng dalawang araw, libreng pizza, libreng tsokolate, at kung anu-ano pang pakulo na maiisip mo. Bawat premyo ay may nakatakdang araw kung kailan ito puwedeng gamitin. Para mas espesyal, gawing valid ang Nanay Gift Certificate mo nang isang buong taon.

 

Autographed Family Picture

Simple lang gawin ang regalo na ito, magkolekta ka ng mga litrato na nagtatampok ng magagandamg memorya ninyo bilang isang pamilya. Gawan ng maikling deskripsyon ang bawat larawan. Mag-iwan din ng malaking espasyo para sa mga autograph n’yong mag-anak. Dito, ang bawat isa sa inyo ay magsulat ng maiikling dedikasyon para sa inyong ina.

 

Love letter

Ito na nga siguro ang pinakaespesyal na regalo na puwedeng matanggap ng inyong ina: ang sulat na mula sa puso ng kanilang anak. Hindi lang nagsasabi ‘yang mga nanay n’yo pero naiinggit ‘yan sa mga crush at kasintahan n’yo na ginagawan ninyo ng love letter. Paano ba naman, buti pa sila, ginagawan n’yo ng love letter. Kaya sa pagkakataong ito, bumawi kayo. Gawan n’yo ng sulat ang inyong mga ina. Isapuso ang bawat salita na isusulat. Alalahanin ang lahat ng kanilang sakripisyo para sa inyo. Magpasalamat para sa pagmamahal at pag-aaruga na kanilang ibinibigay sainyo 24/7. Ipaalala n’yo sa kanila kung gaano n’yo siya kamahal. Ipakita n’yo kung gaano kayo kasuwerte at kagalak dahil siya ang iyong naging ina.

 

Madali lang gawin ang mga ‘yan lalo na kung galing sa puso. Tandaan, pagkabigay ng regalo, samahan ito ng matamis na yakap at halik.

Usapang Bagets
By Ralph Tulfo

ADVERTISING