Sobrang nasaktan: Lorna Tolentino, ayaw nang makaeksena si Chin Chin Gutierrez – Gorgy’s Park

Sobrang nasaktan: Lorna Tolentino, ayaw nang makaeksena si Chin Chin Gutierrez – Gorgy’s ParkINIIWASAN NA NI Lorna Tolentino na pag-usapan ang tungkol sa nangyari sa kanila ni Chin Chin Gutierrez sa taping ng Dahil May Isang Ikaw nu’ng nakaraang linggo.

Pakiusap sa akin, huwag ko muna siyang kulitin tungkol sa nangyari. Kapag medyo lumamig na raw ang lahat, saka niya ikukuwento ang lahat.

Pero ito ang nakarating sa amin na kaagad na ikina-react ni Manay Lolit Solis.

May confrontation scene daw sina Lorna at Chin Chin na dapat ay umabot sa sampalan.

Nakahanda na si LT sa sampal na ibibitaw sa kanya ni Chin Chin pero ang hindi niya napaghandaan, may suot pala na malaking singsing si Chin Chin at ito ang tumama sa mukha niya malapit na sa kanyang mata.

Mabuti’t bahagyang nakaiwas si LT kaya hindi ito tumama sa kanyang mga mata pero sa lakas daw ng sampal ni Chin Chin kay Lorna, parang may namuong dugo sa may gilid ng mata nito.

[ad#post-ad-box]

Sinundan pa raw ni Chin Chin ng kalmot ang mukha ni LT kaya nagkaroon ito ng mga galos. Sinubukan ni LT na umiwas pero hindi sumigaw ng cut ang director dahil masyado raw convincing ang eksena at makatotohanan ang dating.

Nasaktan na nang husto si LT sa eksena kaya nu’ng akmang susugurin daw ito ni Chin Chin para sampalin uli, sinipa na niya ito nang malakas.

Doon na naputol ang eksena. Nagalit si Lorna at nagbitaw ng salitang ayaw na niyang makaeksena si Chin Chin.

Nag-sorry naman daw si Chin Chin kay LT dahil sobrang na-carried away lang daw siya pero hindi nito ma-take na saktan siya nang husto kaya ayaw niya munang maka-eksena ang aktres.

Matagal na kaming nakaririnig ng mga kuwentong mahilig  talagang manapaw ng eksena si Chin Chin kaya lumalabas tuloy na OA na ang dating nito ‘pag umaarte sa harap ng kamera.

Mabuti’t magagaling ang mga kaeksena niya at hindi tumataob sa mga pananapaw niya.

Pati si Karylle ay nakaranas na rin daw ng mabigat na sampal mula kay Chin Chin. Parang nabingi nga raw ito saglit nang sinampal siya ng aktres sa isang eksena.

Nakarating na nga kay Manay Lolit ang nangyaring ito sa alaga niya at hindi naman daw niya puwedeng pabayaan na lang ang nangyari dahil talagang nasaktan si LT.

Hindi na raw kumportable si LT na makaeksena si Chin Chin kaya ginagawan pa rin ng paraan ng mga taga-ABS CBN 2 na mapag-ayos ang dalawa dahil sigurado, maaapektuhan ang teleserye nila dahil madalas  silang magkaeksena.

Abangan na lang bukas sa column ni Manay Lolit ang reaksiyon nito tungkol sa nangyari dahil type na type na nitong talakan si Chin Chin.

MARIING ITINATANGGI ni Pauleen Luna ang isyung pinag-usapan sa Startalk nu’ng nakaraang Sabado na nililigawan daw ito ng anak ng isang maimpluwensyang business tycoon.

Totoong nakilala niya itong binata na isa ring mayamang businessman nang minsang nag-ribbon cutting ito sa isang store ng mall na pag-aari ng pamilya ng guy.

Medyo pumuporma raw pero hindi naman daw nanliligaw. Una, hindi naman daw type ni Pauleen ang binatang ito kahit super-yaman  dahil natatakot daw siya.

Ayaw na niyang i-elaborate pa kung bakit siya natatakot basta’t hindi raw siya nagi-expect na ligawan siya nito.

Sa totoo lang, merong masugid na manliligaw ngayon si Pauleen na super-yaman din at anak ng isang maimpluwensyang tao pero ayaw niya talagang sabihin kung sino.

Ayaw na raw niyang magsalita pagdating sa lovelife dahil nagugulo lang.

So far, nanliligaw pa lang naman daw sa kanya ang guy at wala pa naman siyang sinasabing may pag-asa ito. Pero kung sakaling ma-in love daw uli si Pauleen, mas type niyang non-showbiz na para mas tahimik.

By Gorgy’s Park