Sikat na Male Personality at babae nito, nakita ng isang sikat na aktres sa Five-STAR HOTEL – Cristy Fermin

Sikat na Male Personality at babae nito, nakita  ng isang sikat na aktres sa Five-STAR HOTEL - Cristy Fermin

Sikat na Male Personality at babae nito, nakita  ng isang sikat na aktres sa Five-STAR HOTEL - Cristy FerminANG eksenang ito ay naganap sa isang suite ng isang five-star hotel. Nagkita ang dalawang sikat na sikat na personalidad, isang lalaki at isang babae, pero walang monkey business na namagitan sa kanila.

Du’n lang sila nagkasundong magkita, meron kasing ibibigay ang lalaki sa isang magandang proyekto ng babae para sa mga naging biktima ng kalamidad, pero nagulantang ang babae sa kanyang nakita.

Ayon sa aming source, simple lang ang lalaki, halatang meron siyang itinatago, pero kering-keri pa rin niya ang senaryo.

May nararamdaman nang hindi kakumportablehan ang babae, pero hindi ito nagpapahalata. Tutal naman ay sandali lang ito du’n at aalis din agad pagkakuha ng donasyon ng lalaki sa kanyang proyekto.

Nu’ng paalis na ang girl ay may napansin ito. May isang babaeng kumakaway-kaway sa may pintuan ng isang kuwarto, nasa pinakasala kasi sila ng suite na pansamantalang tinutuluyan ng sikat na sikat na lalaki sa larangang kinabibilangan niya.

Sinipat ng mabuti ng girl ang kumakaway-kaway na babae, kilala nito ang kumakaway. Pero ang unang tanong na pumasok sa utak ng girl ay bakit nandu’n ang kumakaway-kaway na babae sa mismong hotel suite ng pamosong lalaking personalidad?

Sabi ng aming source, “Itinatago na nga ni ____(pangalan ng lalaking personalidad) ang situwasyon, hindi na siya comfortable dahil may inililihim nga siya na baka makita nu’ng girl, pero ‘yung babae naman, siya pa ang kumaway-kaway kay ____(pangalan ng sikat na female celebrity) para lang malaman na nandu’n siya.

“Ano ba talaga ang gusto niyang mangyari, ang malaman ng buong mundo na totoong may relasyon sila ni ____(ang sikat na male personality) at nang mabuyangyang na ‘yun?” Inis na komento ng aming impormante.

Kahit saan nandu’n ang sikat na male personality ay parang aninong palaging nakasunod sa kanya ang babae. Ang nakakaloka pa, may mga pagkakataong mismong nakatatandang kapamilya nito ang kasama ng babae sa pagbuntot-buntot sa lalaki.

Malapit nang magtuos ang babae at ang misis ng sikat na male personality. Nagmamatyag na ang kanyang misis, may hawak na itong mga ebidensiya na isang araw ay itatalampak sa mukha ng babaeng mukhang sobra ang katapangan ng apog.

Gamitan din kaya ng kamao ng misis ng sikat na personalidad ang babaeng ito? Abangan!!!

NASA LAS VEGAS na ngayon ang Team Pacquiao, sa MGM Grand Arena Hotel gaganapin ang upakan nila ni Miguel Cotto sa November 14 (November 15 dito, Linggo), pero sa Mandalay Bay By The Bay Hotel nag-check-in ang buong tropa ni Manny Pacquiao.

Nu’ng Sabado naman nang gabi umalis sa bansa ang kanyang misis na si Jinkee. Si Pacman mismo ang sumundo sa kanya sa LAX. Ang minamaneho ng Pambansang Kamao ay ang bagong-bago nitong itim na two-door Mercedes Benz sports car.

Ngayong nasa Amerika na si Jinkee ay parang nakikinita na namin na may mga personalidad na magbe-behave. Ganu’n naman talaga kapag nandiyan na ang pusa, nagtatago ang mga daga sa kanilang lungga.

Si Jinkee pa naman, kulang na lang magtayo siya ng kubol para tuluyan nang manghula. Matalas ang pakiramdam ng misis ni Pacman. Simple lang siya pero alam niya kapag may mga nagaganap na milagro sa kanyang paligid.

Pagkontra naman ng aming source, “Naku, mukhang masisira ang tapang ni Jinkee this time, ibang klase ang taong parang asong buntot nang buntot sa asawa niya, walang keber!

“Sa halip na itago ang nangyayari, e, siya pa mismo ang nagbubuyangyang, proud?” Tanong-opinyon ng aming impormante.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin