Si Kim ang Date sa Star Magic Ball: Gerald Anderson, umalis kasama si Bea Alonzo

ADVERTISING

SABAY NA DUMATING sa Rizal Ball ng Makati Shangri-La Hotel sina Gerald Anderson at Kim Chiu sa ginanap na 2010 Star Magic Ball noong Setyembre 5. Malamang na ikinatuwa iyon ng die-hard Kimerald fans, lalo pa’t ipinakita ang eksenang ‘yon sa news at entertainment shows. Parang okay na nga raw ang dalawa na tinanghal pang Best Dressed Couple nang gabing iyon.

Samantala, ang nali-link kay Gerald na si Bea Alonzo, si Zanjoe Marudo ang escort. Nagkasama sina Bea at Zanjoe sa 17th anniversary offering ng Star Cinema, ang pelikulang Sa ‘Yo Lamang.

ADVERTISING

Meron na nga bang dahilan ang Kimerald na magbunyi dahil sa mga eksenang ito? Hmmm… mukhang wala!

Sa mga nakarating na litrato sa aming opisina, lumalabas na hindi si Kim ang talagang date ni Gerald nang gabing iyon. Si Kim ang kasabay ni Gerald nang rumampa sa red carpet, pero ayon sa aming source, pagkatapos ng mga photo-ops, halos hindi nagpapansinan at nagbabatian sina Kim at Gerald.

Sa katunayan pa nga raw, sabi ng aming source, madalas na kasama ni Kim ang mga kaibigan sa “Chiurigogobashu” na kinabibilangan nina Melissa Ricks, Erich Gonzales, Beauty Gonzales, Kitkat at Empress. Samantalang itong si Gerald, si Jake Cuenca ang madalas na kasama. Si Bea naman, madalas maispatang kasama ng magdyowang sina John Lloyd Cruz at Shaina Magdayao.

ADVERTISING

‘Eto na nga. Nang mag-uwian na, si Bea na ang kasama ni Gerald, gaya nga ng makikita sa mga litrato. At sabay na sumakay ng elevator. Kung saan man tutuloy ang dalawa, ‘di na knows ng aming source.

Idine-deny parehas nina Bea at Gerald ang anumang ‘romantic involvement’ nila. Eh, ngayon, mag-deny pa kaya ulit sila at sabihing nagkasabay lang sa elevator? Hanggang kailan ba magkikimkim ng damdamin? Aw!

ADVERTISING