Si Katrina Halili pa rin ang kontrabida ni Marian Rivera!

UNTI-UNTI NANG NAKAKABALIK ngayon sa trabaho si Katrina Halili dahil marami nang nag-i-inquire para kunin siya sa ilang endorsements at mga personal appearances sa mga probinsiya. Nakabalik na galing Amerika si Ma’am Wilma Galvante at pag-uusapan na raw kung ano ang gagawin niya sa GMA 7.

Nangako naman ang GMA 7 na hindi nila pababayaan si Katrina. Hinihintay lang daw nila kung kailan ito magiging okay, at papayagan ng kanyang abugadong bumalik sa trabaho.

Ang isa sa narinig namin, siya na raw ang gaganap na Valentina sa Darna ni Marian Rivera. Pero teka, ang latest na narinig ko hindi na raw Darna ang title nito kundi Narda. Para maiba naman? Abangan na lang natin kung ano na talaga ang napagdesisyunan ng GMA 7.

Si Katrina rin daw ang pinag-iisipang gaganap sa Angela Markado dahil bagay na bagay sa kanya base sa pinagdaanan niya ngayon. Noon pa naman pinag-uusapang siya na talaga ang napiling gaganap sa Angela Markado pero wala pang final na desisyon mula sa production ng GMA 7.

Nagpapasalamat nang husto si Katrina sa mga nagtitiwala pa rin sa kanya dahil lalo pa ngang dumarami ang nag-imbita sa kanya sa mga pesonal appearance sa ibang probinsiya.Meron na nga siyang inoohan na aapir siya sa isang ribbon-cutting sa Cebu, at gustung-gusto na raw siyang makita roon ng mga taga-Cebu para ipahayag ang suporta sa kanya.

Nagpapasalamat din si Katrina sa pamilya niyang patuloy na tumutulong sa kanya, at marami ring nagbibigay ng tulong sa kanya nitong mga nagdaang linggo na wala siyang trabaho.

Inaasahang mas lalong titingkad ang career ni Katrina ‘pag bumalik na ito sa trabaho. Pero aminado naman siyang nandiyan na sa kanya ang trauma ng malaking eskandalong pinagdaanan niya.

MAY BAGONG SHOW si Paolo Contis na biglang ipinalit sa late night na programa ng GMA 7 na Outrageous Courageous ni Marvin Agustin.

Hindi ko lang alam kung may kinalaman ito sa hindi gaanong magandang takbo ng rating ng Adik sa ‘Yo kaya biglang tinapos na ang Outrageous Courageous ni Marvin at pinalitan na ito ng OC to the Max na si Paolo Contis naman ang host.

Outrageous at courageous pa rin itong bagong programa ni Paolo, pero talagang to the max kaya kahit ano na lang ginagawa niya para panoorin ito.

Kagabi ito nagsimula at naloka ang mga dumaan sa EDSA nu’ng mag-shoot siya roon. Bigla siyang umapir at nag-shoot ng spiel niya na naka-white tuxedo sa pantaas at sa baba ay naka-boxer briefs lang siya. Itinaas pa niya ang white tuxedo niya para ma-expose ang bukol nito. Naloka ang mga staff sa sobrang game ni Paolo sa bago niyang show para lang daw mapatunayan niyang to the max ang pagiging outrageous at courageous niya.

Mapapanood itong OC to the Max tuwing Martes ng gabi pagkatapos ng GMA Telebabad.

IPINAKILALA SA MOVIE press ang Circle of 16 ng Are You The Next Big Star nina Regine Velasquez at Kempee de Leon.

Marami namang may karapatan sa labing anim na napasali pero ang kapansin-pansin ay itong si Geoff Taylor na galing sa Pinoy Dream Academy.

Hindi ito pinalad sa PDA kaya nagbakasali itong susuwertehin siya sa The Next Big Star. Pero kung hindi raw siya papalarin dito, hindi pa rin naman daw siya titigil sa pagkanta dahil sa tulong naman daw ng manager niya, nahahanapan siya ng mga raket kung saan siya makakanta.

Kinuha na nga ito noon na mapasama sa isang sexy all-boy group pero hindi naman natuloy. Meron na nga siyang kumalat na mga sexy pictorials, na tingin ko, kakalat na naman ito kapag napapansin na siya sa singing competition ng GMA 7.

Sa Sabado, ipaliliwanag na sa Are You The Next Big Star kung ano ang proseso nang pagpili ng kanilang winner. Ipaliliwanag kung ilan ang porsiyento ng text voting at ilan naman ang kukunin sa limang hurado.

Abangan na lang ito tuwing Sabado pagkatapos ng Pinoy Records.

by Gorgy’s Park