Sheryl Cruz, ‘di kailangan ng boyfriend para maging kuntento at masaya

Sheryl Cruz, ‘di kailangan ng boyfriend para maging kuntento at masaya

Sheryl-CruzMATAGAL-TAGAL NA ring single si Sheryl Cruz. Pero hindi raw ito dahilan para hindi siya maging kuntento at masaya sa buhay niya ngayon.

Naging happy rin daw ang celebration niya ng nakaraang Valentine’s Day kahit wala siyang lovelife.

“Ang Valentine ko ay punung-puno ng saya dahil unang-una sa lahat, kasama ko ang anak kong si Ashley,” masiglang kuwento nga niya nang makakuwentuhan namin sa Jade Valley restaurant kamakailan.

“Pumunta kami sa napakaraming tao na Eastwood sa Libis. Ang saya-saya ng lugar kasi buhay na buhay. So, nag-dinner kami roon. Tapos biglang dumating ang dalawa kong pamangkin na sina Alexandra at Sophia na anak ng kapatid kong si Wowie (Cruz). Sila ‘yong kumumpleto ng Valentine’s Day ko. Tapos nakakuha rin ako ng mga presents sa mga fans ko na nagmamahal. Natutuwa ako na nandiyan pa rin sila. And I’d like to thank all the Sherylians for their support.”

Kailan nga ba ulit siya muling magmamahal?

“Siguro malalaman ko na lang kapag dumating na siya!” sabay tawa ni Sheryl.

Ano ba ang hinahanap niyang qualities sa guy na sunod niyang mamahalin?

“Siyempre, maganda rin naman siguro ‘yong presentableng tingnan. ‘Di ba? Gusto ko rin… matangkad. At mas gusto ko rin kasi, somebody who actually have his own profession. At saka ‘yong mahal ang mga kapatid niyang babae. Kapag mapagmahal sa mga babaeng kapamilya niya, magkakasundo kami. Kasi alam ko na rerespetuhin niya ako at mamahalin katulad ng pagmamahal niya sa mga babae niyang family.”

May mga guys na nagpaparamdam sa kanya ngayon?

“Marami naman. Pero parang nai-intimidate sila. E… hindi naman ako nangangagat!” natawang biro pa niya.

Sa ngayon ay focused si Sheryl sa pagpu-promote ng kanyang latest album na Sa Puso Ay Ikaw Pa Rin released  by Universal Records and produced by Mon del Rosario.

“Meron akong dalawang compositions dito. Isa ‘yong Mananatili Ka and the other one ay ‘yong The Last To Know na ni-record ko kasama ang pinsan kong si Sunshine (Cruz).”

Kumusta ba sila ni Sunshine ngayon?

“Okey kami. Okey naman kaming magpinsan. At saka nagti-text kami palagi sa isa’t isa. Regular ‘yong communication namin. Nagku-confide siya kapag masaya siya o malungkot. But mostly ay puro masaya naman ‘yong pinagkukuwentuhan namin. At saka masaya na rin ako na nakilala ko ‘yong mga pamangkin ko,” pagtukoy niya sa mga anak ni Sunshine sa ex-husband nitong si Cesar Montano. “Ang gaganda nila. At saka napaka-talented. Nakikita ko ‘yong musical talent. Kasi meron siyang (Sunshine) anak na nagpi-piano, meron siyang ang galing mag-second voice.”

Matindi ang pinagdaraanan ni Sunshine ngayon. Masyadong kontrobersiyal at maraming mga isyu at intriga hinggil sa ongoing case nito laban sa dating asawang si Cesar. Siyempre, hindi maiwasang madamay ang mga anak nina Sunshine at Cesar. At balita ngang sobrang naaapektuhan na rin ang mga ito.

“Pero matatalino ‘yong akong mga pamangkin. At saka I have faith in the way Sunshine parents her children. Nakikita ko naman ‘yon. Because I’m also a mother, I’m also a parent. Hindi sa I’m taking sides kundi… hindi naman din siguro ibibigay sa kanya ng court ang custody kung hindi naman din siya capable na mag-alaga ng mga anak niya. But I’m sure din naman na ‘yong tatay rin naman nila ay mahal na mahal sila.”

Gaya nina Sunshine at Cesar, sa hiwalayan din humantong ang pagsasama nila ng asawa niyang si Norman Bustos. Kaya alam daw niya kung gaano ito kahirap.

“It’s a complicated situation na hindi mo gustong pagdaanan ng kahit na sino. Kaya I would like to wish everyone na sana hindi nila maranasan ang kahit na anong experience na napagdaanan ko or ni Sunshine. Kasi it’s really difficult for the kids.”

Matagal nang naka-move on si Sheryl matapos silang maghiwalay ni Norman.

“We’re just not meant to be,” aniya. “We’re still civil for our daughter,” pagtukoy niya sa anak nila ni Norman na si Ashley.

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan