Sey ni Sharon Cuneta: Tatayo ang show ko, kahit ‘di mag-guest si Piolo Pascual!

HINDI MAN tuwirang aminin ay halatang-halata na galit pa rin si Megastar Sharon Cu-neta kay Piolo Pascual na ex-bf ng kanyang anak na si KC Concepcion, dahil na rin sa binitawang salita nito sa tanong kung igi-guest niya ba sa kayang show sa Kapatid Network na Sharon, Kasama Mo, Kapatid ang nasabing aktor.

Pagkarinig na pagkarinig sa ibinato ditong tanong ay kitang-kita ang pagbabago ng emosyon sa mukha ni Sharon na animo’y nairita  nang  marinig  ang  pa-ngalan ni Piolo, sabay sabing, “Tatayo ang show ko sa TV5 kahit ‘di mag-guest si Piolo!”

At kahit medyo matagal-tagal na ngang naghiwalay ng landas si KC at Piolo, mukhang hindi pa rin malimutan ni Sharon ang sakit na idinulot ni Piolo kay KC na damay ang kanilang pamilya nang magkahiwalay ang mga ito.

SOBRANG PAYAT ni Daniel Matsunaga nang makita namin sa bakuran ng GMA-7 kamakailan. Mukhang mas apektado ito sa paghihiwalay nila ni  Heart  Evangelista,  kaya  naman everytime na mai-interview ito ay damang-dama mo ang sakit na nararamdaman nito sa break-up nila ng Legacy star.

Hindi nga nito itinatagong miss na miss na niya si Heart, kaya naman nang magtagpo ang kanilang landas sa Party Pilipinas last Sunday, kitang-kita ang kasiyahan sa mukha ni Daniel na humalik pa sa pisngi ni Heart.

Pero marami ang nakapansin na kung happy si Daniel na bumeso-beso sa aktres, iba naman daw ang naging hitsura ni Heart sa pagbeso-beso sa kanya ng ex-BF, dahil kitang-kita daw ng marami na pagtalikod ni Heart ay biglang umasim ang mukha nito sabay sabing, “I don’t want! I said I don’t want!” pasaring sa mga naroroong press na pagpapahiwatig na ayaw niyang pa-interview sa naganap na pagbebeso-beso nila ni Daniel.

MARAMING HUMANGA sa pagganap ng Tween star na si Rhen Escaño bilang mahirap na kapatid ni Lovi Poe sa Legacy, kung saan pumasok na ang character nito at napapanood na sa top-rating serye ng Kapuso Network.

Hindi nga nagpatalbog ang young star sa galing umarte ng award-winning actress na si Lovi. At kahit nga another kontrabida ang role nito sa Legacy katulad ng role nito sa Tween Hearts, okey lang sa flawless na young star, dahil ang mahalaga raw ay may trabaho siya at tanggap ng mga manonood ang pagiging kontrabida niya.

Dagdag pa ni Rhen na abangan pa raw ang maiinit na eksena ng pamilya nila ni Lovi dahil pihadong mas kamumuhian daw siya ng mga manonood ‘pag napanood na ito. Tutukan din daw ang papagandang istorya ng Tween Hearts every Sunday, kung saan mas lalo siyang nagiging kontrabida sa kanyang mga kasamahan. ‘Yun na!
HINDI NA raw humingi ng retraction o nagdemanda si Richard Gutierrez laban sa isang website ng kilalang broadsheet na naglabas ng balitang nahuli raw siyang nag-overspeeding nang makausap namin ito sa launching ng kanyang cologne, ang Gutz & Glory By Bench.

Stress lang daw kasi para kay Richard ang pagdedemanda lalo na’t naranasan na ito ng guwapitong aktor. Pero happy raw si Richard sa malapit nang mapanood niyang shows, ang Makapiling Kang Muli at ang weekly show niya sa GMA na Pinoy Adventures, kung saan dadayuhin nito ang kasuluk-sulukan ng Pilipinas.

John’s Point
by John Fontanilla

Previous articleXian Lim, ‘di naman talaga sincere sa panliligaw kay Kim Chiu!
Next articleCristine Reyes, Makikipagbati na Kay Ara Mina?!

No posts to display