Sexy actress, ibinili ng bagong bahay ng sikat na personalidad?! – Cristy Fermin

ADVERTISING

Sexy actress, ibinili ng bagong bahay ng sikat na personalidad?! - Cristy Fermin

Sexy actress, ibinili ng bagong bahay ng sikat na personalidad?! - Cristy FerminNU’NG ISANG HAPON, merong pinagpistahang blind item ang dalawang komentarista sa radyo. Parang gusto na nilang magbigay ng malalapit na clue para hindi masyadong mahirapan sa panghuhula ang kanilang mga tagapakinig. Pero mas pinili nilang huwag na lang, dahil baka raw pati sila ay kasuhan din ng pamilya ng babae sa kuwento.

ADVERTISING

Ang takbo ng blind item ay ang pagbibigay na ng partisipasyon ng sikat na personalidad na lalaki sa pagdedesisyon sa napapabalitang espesyal na babae sa kanyang buhay ngayon.

“Aba, mukhang totohanan na ito! Pati raw ang klase at kulay ng ikakabit na kurtina nu’ng lalaki sa bagong bili niyang bahay, ‘yung babae na ang nagdedesisyon.

“’Yung girl na raw ang kumakausap du’n sa gagawa ng kurtina, siya na ang pinamimili ng kulay nu’ng lalaki, siya na rin ang pinamahala sa magiging design.

ADVERTISING

“Aba, hindi na biruan ito! Kung totoong ganu’n na nga ang nangyayari, mukhang totohanan na ang relasyon nila. Mukhang namimiligro na talagang hiwalayan nu’ng guy ang wife niya!” Makahulugang kuwento pa ng komentaristang lalaki.

May nabanggit naman ang babaeng komentarista na malakas daw ang ikot ng balita na nagdadalantao na ngayon ang girl. Ang sikat na lalaking personalidad siyempre ang itinuturong ama ng sanggol sa sinapupunan ng babae. Kung totoo ‘yun ay hindi malayong magkaroon ng giyera mundial sa pagitan ng babae at ng misis ng sikat na personalidad.

Pero may paunawa ang dalawang komentarista, “Blind item lang po ito, wala kaming pinangalanan, kayo na ang bahalang manghula kung sinu-sino ang mga bida sa kuwento naming ito.”

HANGGANG NGAYO’Y MASAMANG-MASAMA pa rin ang loob ng premyadong aktres na si Gina Alajar sa isang programang walang kapasi-pasintabing nakialam sa mga nilalaman ng kanyang Facebook. Ayon sa aktres, hindi raw niya dinisenyo ‘yun para pagpistahan ng publiko. Personal account niya ‘yun, pero isinapubliko ng isang talk show.

Nu’ng sitahin niya ang production staff, kung anu-anong katwiran daw ang sinabi ng executive producer ng show. Nangako rin daw ito na mag-iisyu ng public apology sa kanilang ginawa, pero hanggang ngayo’y wala pa rin naman.

Punumpuno ng sarkasmo ang pagkakasabi ng aktres-direktor na pinadalhan daw siya ng basket of fruits ng EP, “Alam mo ‘yun? Basket of fruits? ‘Yun lang ba ang katapat ng ginawa nila sa akin?” Mahinahon pero mapang-insulto ang hitsura ng aktres habang sinasabi ‘yun.

Para kay Gina Alajar, hindi na kuwestiyon ngayon kung bakit siya nagpakawala ng mga shoutout tungkol kay Krista Ranillo. Idiniin niya na walang kahit sinong makapipigil sa kanya na ilabas ang kanyang saloobin sa Facebook. Ang kuwestiyon ay kung bakit pinakialaman ng isang talk show ang nilalaman nu’n para gawing malaking isyu sa kanilang programa.

Kung babasahin natin ang kanyang mga pahayag na hindi niya isinaboses ay parang sinasabi ng aktres na sa kagustuhang makapagbuo ng kuwento ng nasabing talk show, wala nang pakialam ang mga ito kung nakasasagasa sila at nanggagamit ng ibang tao.

Komento ng isang tagamasid, “At ipinagsisigawan nila ‘yun sa teaser nila, ha? Madiin na madiin, pero kopya lang naman pala ang balita nila. Palagi naman silang ganu’n, parang palaging may scoop sila. Pero kapag pinanood mo naman, regalo lang pala ‘yun na maganda ang wrapper pero wala namang laman!”

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

ADVERTISING