Sarah Geronimo, hindi takot kay Angeline Quinto!

HANGGANG NGAYON AY hindi naman pinagbabago ng kanyang kasikatan ang pop princess na si Sarah Geronimo.  Narating na niya ang malayong dapat kapuntahan ng kanyang popularity, dahil kung kinikilala siyang mahusay na singer at patok lagi kapag siya ay nag-concert, napatunayan niya rin na sa telebisyon at pelikula ay pupuwede siya. Sa katunayan, tinanghal na siyang Box-Office Queen. Mahirap man ay narating niya ang kinaroroonan niya ngayon dahil sa kanyang pagsisikap.

Alam ni Sarah kung papaano ang magsimula, kaya kahit na walang katapusan sila ngayong pinagkukumpara ng baguhang singer na si Angeline Quinto, hindi siya nagpapaapekto. Ipinagkikibit-balikat na lang ng anak ni Mommy Divine Geronimo ang mga intrigang naiinsekyur na siya sa kahusayan ng sinabi ni Regine Velasquez na bagong Superstar daw sa kapanahunan. Napapansin nga rin na sa ASAP Rocks, laging hataw at maganda ang exposure na ibinibigay kay Angeline, na halata raw pinasisikat talaga.

Positibo ang ugali ni Sarah bilang mas nauna kesa kay Angeline sa bakuran ng ABS-CBN. Para kay Sarah, nakikita niyang malayo rin ang mararating ng baguhang singer na laging ikinukum-para sa kanya. Kasi nga, nagsisikap naman daw si Angeline na mapatunayan ang kanyang talent. Naranasan na rin daw ni Sarah ‘yung pagsisimula gaya ni Angeline na parang nakatutok sa kanya ang lahat ng tao. Kaya nasaan ‘yung sinasabi nila na takot si Sarah kay Angeline?

HABANG NAGPAPALAMIG SI Jake Cuenca tungkol sa takbo ng kanyang lovelife na pupuwede niyang ikalungkot, mayroon naman siyang napagtutuunan ng pansin, na siyempre pa’y ang kanyang showbiz career. Sunud-sunod na kumita ang mga proyektong kanyang sinalihan, katulad ng In The Name of Love ng Star Cinema at My Neighbor’s Wife ng Regal Films, at nitong huli, nabigyan siya ng magandang role sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya, kung saan gumanap siyang isang bading.

May pinaghuhugutan na talaga ngayon ng lalim ang atake ng acting ni Jake. Papaano nga, alam na niya ngayon kung papaano ang maging malungkot at maligaya dahil sa pakikipagrelasyon. Nahirapan at nasaktan din ang aktor sa naging hiwalayan nila ni Melissa Ricks, lalo pa’t hanggang ngayon, nagpaparamdam ang tisay na aktres na may hinanakit pa siya sa binata. Habang tila may kumokontra naman sa sana’y namumuo nilang magandang pagtitinginan ni Lovi Poe, dahil may mga pagbabanta di-umano tungkol sa kanyang seguridad kung hindi didistansiya sa magandang anak ni yumaong FPJ.

Nararamdaman na talaga ang kasikatan ngayon ni Jake. Pero puro “Thank you po!” ang tugon niya sa mga pumupuri sa magandang takbo ngayon ng kanyang career. Sabihin mang hindi pa siya kahilera nina Piolo Pascual, Jericho Rosales at John Lloyd Cruz, hindi naman siya napag-iiwanan, dahil lumilikha na siya ng sariling kasikatan. Nakakaarte na kasi si Jake, pero kahit hindi siya bold actor, maru-nong siyang magpasabik para makatawag-pansin sa showbiz. Nagpapakita siya ng puwet at kaseksihan sa kanyang mga pelikula, maging sa pagrampa sa fashion show. Kaya pinagpapantasyahan talaga siya ng mga fans at laging inaabangan ang kanyang paghuhubad.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleCesar Montano, napanaginipan si Ate Guy!
Next articleKaya ayaw nang pag-usapan Toni Gonzaga, ‘di raw makakatulong sa kanya ang isyu sa kanila ni Mariel Rodriguez

No posts to display