Sarah Geronimo, ginamit lang ni Rayver Cruz?!

ADVERTISING

Sarah Geronimo, ginamit lang ni Rayver Cruz?!

NAALALA PA NAMIN ang komento ng isang kontrobersiyal pero magaling na aktres tungkol sa isang guwapong baguhang aktor na produkto ng isang reality show, “Nananakit na ang mga palad ko sa kasasampal sa kanya, pero wala pa rin siyang reaction, para pa rin siyang tuod!”

ADVERTISING

Dagdag pa ng aktres, “Sana, huwag na lang nilang pilitin ‘yung tao, kung hindi naman talaga siya para sa showbiz, pauwiin na lang siya sa probinsiya nila, mangisda na lang siya, malawak naman ang dagat!”

‘Yun ang gabing nag-aksaya ng negatibo ang produksiyon, nangawit ang panga ng assistant director sa kapapaliwanag sa baguhang aktor kung ano ang dapat niyang iarte sa eksenang ginagawa nila ng aktres, pero talagang walang mailabas ang bagitong aktor.

Inip na ang aktres, naghihikab na ito sa sobrang pagkabagot, pero hindi pa rin makuha-kuha ng baguhang aktor kung ano ang emosyon na dapat niyang ilabas sa eksenang ginagawa nila ng aktres.

ADVERTISING

Sabi ng aming source, “Kundi pa nagalit ‘yung AD, kundi pa siya pinagtaasan ng boses dahil pati ang ibang mga artista, e, halatadong nabubuwisit na sa delay ng taping, hindi pa niya makukuha ang gustong ipagawa sa kanya.

“Pero nu’ng ipalabas na ang episode, halatadong may kulang pa rin sa kanya, totoo ang sabi ni ____(pangalang ng kontrobersiyal na aktres) na para siyang tuod na nakatayo lang at walang emosyon!

“Kasi naman, ipinipilit pa, e! Kung wala talagang talent, wala, bibihira lang ang mga artistang walang alam sa pag-arte sa una, pero gumagaling dahil sa workshop.

“Itong isang ito, matinding workshop na ang pinagdaanan niya, pero wala pa ring makangkong na talent sa kanya ang mga direktor! Grabe ang kabanuan niyang umarte, guwapo lang talaga siya!” Naiinis pang kuwento ng aming impormante.

Sayang, maganda pa naman ang apelyidong dala-dala ng baguhang aktor na ito, alias ‘yun ng isang beteranong action star.

MARAMING TAGAHANGA NI Rayver Cruz ang tumatawag sa amin ngayon para iparating ang kanilang sama ng loob sa mga tagahanga ni Sarah Geronimo. Diretsong tinawag na user ng kampo ni Sarah ang guwapong young actor, kunwari pa raw ay si Sarah ang sinasabi niyang crush, pero ang totoo naman ay sila ni Melissa Ricks ang nagkaigihan.

User daw si Rayver, ginagamit lang daw niya si Sarah para sumikat siya, paratang pa ng mga tagahanga ni Sarah.

Gusto lang naming mag-rewind. Sa pagkakatanda namin, hindi kay Rayver nag-ugat ang crush-crush issue na ‘yan. Ang totoo, kay Sarah nanggaling ang mga pahiwatig na crush nito si Rayver. Kahit kailan ay hindi naman ‘yun ginamit na bentahe ng batang aktor.

Kapag may nagtatanong sa kanya kung ano ang masasabi niya na isang sikat na singer-actress ang may crush sa kanya, ngiti lang naman ang isinasagot ng binata. Hindi niya ‘yun sinasakyan para sa kanyang sariling interes.

Hindi kailangan ni Rayver Cruz ng kahit sinong artista para lang siya magkapangalan. Dati nang kilala ang binata, dahil meron naman siyang talentong puhunan kung saanman siya nandu’n ngayon.

Hindi nga ba’t madalas naming sabihin na magiging superstar ang binatang ito? Tamang panahon lang ang kailangan niyang hintayin. Isang matinding proyekto lang ang kailangan niyang pagbidahan na magiging matagumpay sa takilya at makakapantay na rin niya ang estadong ipinagmamalaki ng mga tagahanga ni Sarah.

Sana’y masuheto ni Sarah ang mga tagahanga nitong sumosobra na sa paghusga. Sayang naman ang pinaghirapan at pinag-iingatang career ng dalaga kung sisirain lang ‘yun ng mga taong walang malasakit sa kanya.

Masakit ang patutsada ng mga ito kay Rayver Cruz. Para bang wala nang magandang nagawa ang binata sa maraming taon ng kanyang pamamalagi sa showbiz.

Kapag ganyan nang ganyan ang mga tagahanga ni Sarah Geronimo, madadamay ang dalaga sa inis ng marami sa kanyang mga tagasuporta. Nakalulungkot naman ‘yun kapag nangyari dahil wala namang alam ang singer-actress sa mga nangyayari.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

ADVERTISING