Sarah Geronimo at Gerald Anderson, nagkakasundo dahil sa hirap na pinagdaanan sa buhay

NAGKAKASUNDO SINA Sarah Geronimo at Gerald Anderson, dahil pareho lang naman silang simple lang ang mga pangarap sa buhay. Ang mabuhay nang maayos at hindi maghirap. Hindi rin naman biro ang hirap na dinanas ni Sarah sa kanyang pagsali-sali noon sa mga singing contest, na ang hangad lang naman kung papalarin ay maiahon sa hirap ang mahal niyang pamilya. Sinuportahan siya ng kanyang mga magulang, lalo na ni Mommy Divine Geronimo na hindi bumitiw sa pagtupad ng pop princess sa pagtupad ng kanyang mga ambisyon.

Laging madrama at nangingilid ang luha ni Gerald kapag naiisip niya ang kanyang pagsisimula sa showbiz. Guwapo lang siyang talaga at hindi mo mahahalata sa kanyang hitsura na nahirapan din naman siya. Pero kapag siya na ang nagkuwento ay mahaba ang mga eksenang kaya niyang alalahanin na magpapatunay na may dinaanan talaga siyang hirap. Nagkakaintindihan daw sina Sarah at Gerald sa kanilang mga naranasan sa buhay.

Matapang na ang loob ni Gerald. Sa kabila ng tsismis na diumano’y mayroon siyang itinatagong girlfriend na taga-Star Magic din, ay hayun naman at inamin na rin niya na mayroon talaga siyang magandang intensiyon kay Sarah. Wala namang kumokontra sa panig ng kanilang mga magulang. Magandang pareha ito, dahil sina Sarah at Gerald ay mamahalin mo sa mga ugaling hindi sila mayabang sa kabila ng pareho nilang kasikatan sa showbiz ngayon.

BLIND ITEM: Sino itong young actor na usap-usapan ngayon sa bakuran ng isang higanteng TV network ang balitang nagwala raw sa kasagsagan ng taping ng kanilang pang-mada-ling-araw na show kamakailan.

Ang siste raw, nalaman ni young actor na ang kanyang girlfriend na isang fan ay may ibang karelasyon na mula naman sa isang grupo ng kabataang lalaki na kasamahan niya rin sa nasabing show. Nabasa raw ni young actor ang pagpapalitan ng sweet messages sa text ng kanyang GF na fan at ng isa sa miyembro ng nasabing boyband, kaya naman nagulat ang lahat nang nagsisigaw ito at mukhang galit na galit.

Kaya naman daw biglang nawala sa sarili si young actor at nagwala habang hinahanap daw ang kanyang GF na nasa dressing room daw ng pinaghihinalaan nitong dyowa ng kanyang fan na GF. Kaya naman daw nag-abot ang young actor, dyowa nitong fan at miyembro ng boyband ay handa na itong suntukin ng young actor na napigilan lang ng mga taong naroroon.

Tsika pa nga ng aming source, nagulat daw ang lahat dahil ‘di nila inakala na sa guwapo ni young actor na mula sa angkan ng mga artista ay mababaliw sa kanyang fan at handang manapak ng mga kasamahan sa show, kahi’t marami ang mga taong naroon dahil sa selos.

Ayaw ng mga bayani natin ang ganyang attitude, sayang at isa pa mandin si young actor sa hinuhulaang aalagwa ang career, dahil sa artistahin pa naman ang hitsura nito at isa sa inaalagaan ng nasabing higanteng network at isang malaking film outfit.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleSa gitna ng Hayden Kho sex video issue Katrina Halili, ‘di iniwan ni Kris Lawrence!
Next article‘Di raw buntis sa bf na si Jay-R Krista Kleiner: Kasal muna bago sex!

No posts to display