Saan Magdedemanda ang OFW?

NAGING DOMESTIC worker ako sa Singapore. Sa simula, maayos naman ang trato sa akin ng aking employer. Kung magkano ang nasa kontrata ay iyon ang ipinasuweldo sa akin. Pero sa unang taon lang iyon. Sa ikalawang taon, malaki ang ibinawas niya sa aking suweldo at bandang huli ay ayaw na niyang ibigay sa akin ang sahod. At nang magreklamo ako, bigla na lang akong pinalayas. Agad akong nagsumbong sa ating konsulada pero wala ring nangyari. Hanggang sa makauwi na ako sa Pilipinas. Saang government office po ako puwedeng lumapit para makapagsampa ng kaso laban sa employer at ahensya ko? Sa POEA po ba o sa OWWA? Kailangan ko na po ba agad ang abogado? Sino po ang dapat kong idemanda — ang employer ko o ang ahensya? Paano po kung wala nang ibayad ang ahensya pagkatapos ng kasuhan, ano pa po ang habol ko? — Ampy ng Baguio City

‘PAG ANG asunto mo ay may kinalaman sa money claims o anupang bagay na may kinalaman sa usaping pananalapi o benepisyo na hindi naibigay sa iyo ng employer, ang kaso ay dapat mong isampa sa National Labor Relations Commission. Dito ay may mga arbiter na haharap at didinig sa kaso mo. Kahit wala ka pang abogado, magtungo ka sa pinakamalapit na tanggapan ng NLRC at doo’y may mga form na ipi-fill up mo lamang para maisampa ang kaso.

Ayon sa batas, ang employer at ang ahensya ay may pananagutang “joint and several”. Kaya pareho mo silang isabit sa kaso. Makalusot man ang isa, mahahabol mo pa ang isa.

Madalas ngang mangyari na bago matapos ang asunto ay naubos na o lugi na ang ahensya at wala nang maibabayad sa iyo kung mabigyan ka ng award ng NLRC. Kapag ganito ang nangyari, maaaring ipambayad sa iyo ang performance bond na inilagak ng ahensya noong siya ay nag-aaplay pa lang ng lisensya sa POEA. Hindi ito magagalaw o mawi-withdraw ng ahensya habang may naka-pending na kaso laban dito.

Ang problema ay kung hindi lisensyado o illegal ang ahensya. Malamang ay wala itong bond kaya’t ang hahabulin mo na lang ay ang mga ari-arian ng mga taong nambiktima sa iyo.

LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected]

Ayuda sa OFW
By Ome Candazo

Previous articlePinoy Parazzi Vol 5 Issue 120 September 24 – 25, 2012 Out Now!
Next articleYapak sa Buwan I

No posts to display