Sa pagpasok sa showbiz Shalani Soledad, inulan ng negatibong komento

Sa pagpasok sa showbiz  Shalani Soledad, inulan ng negatibong komento

Sa pagpasok sa showbiz  Shalani Soledad, inulan ng negatibong komento NAKU, ‘DAY! INABANGAN ko talaga si Shalani Soledad sa Willing Willie na tiyak marami rin ang nag-abang sa kanya roon para matingnan kung may karapatan ba siyang mag-showbiz.

Siyempre bonggang big deal sa TV5 ‘yun at sa Willing Willie dahil hindi mo naman akalain na type din pala ni Shalani mag-showbiz. Okay naman ang performance niya roon as co-host ni Willie, pero medyo nahinaan lang ako sa boses niya. Dapat dagdagan pa niya ng buhay para mag-blend siya sa mga kasamahan niyang punung-puno ng energy.

Pero malaking bagay ang pagsali ni Shalani sa Willing Willie at siguro makatutulong nga ito para kayanin nilang makipagbanggaan sa mga establisado nang newscaster ng ABS-CBN 2 at GMA-7.

Maraming mga komento lang akong naririnig sa pagsali ni Shalani sa Willing Willie.

Karamihan ay medyo negatibo dahil ang buong akala ng lahat, sobrang mahiyain ito, tahimik at ayaw sa magulong mundo ng showbiz. Pero rito pa rin pala ang bagsak niya, kahit sabihing hosting lang ang trabaho niya. Pero ka-partner niya ang isa sa pinakakontrobersiyal na host, kaya tiyak na pag-uusapan pa rin siya at hindi maiwasang ma-interview siya nang ma-interview, nawawala na ang misteryo sa kanya.

Ang lakas ng dating niya noong girlfriend siya ni Pres. Noynoy Aquino, at nu’ng nagkahiwalay sila, quiet pa rin siya, bongga pa rin siya. Pero ngayong nasa showbiz na siya, parang nabawasan ang misteryo sa kanya at tiyak na ang kasunod nito, malaladlad na sa publiko ang totoong pagkatao niya.

Kaya lang, paano mo naman matatanggihan kung bongga ang offer sa ‘yo? Tiyak na ‘di biro ang talent fee niya riyan at malay natin baka mas bumongga ang political career niya kapag nasa showbiz na siya at lalong napalapit sa mga tao.

Tingnan na lang natin!

May exclusive interview pala si Ricky Lo kay Shalani para sa Startalk, at marami siyang revelation d’yan. Abangan na lang natin!

HINDI RIN NAGPAAWAT ang Kris Aquino! Dapat kasali pa rin siya sa mga pinag-uusapan, kaya nag-post na naman ito sa Twitter account niya. Kasama raw nilang nanood ng sine si James Yap at seryoso naman daw siyang makipag-friend sa dating asawa.

Okay fine! Dapat naman talaga, ‘di ba? Ama ng anak mo ‘yan, kaya dapat itigil na ang kung anu-anong sinasabi sa isa’t isa.

Since friends na sila ni James, siguro okay lang sa kanya na ibigay na kay James ang isang endorsement na dating pinag-i-emote niya.

Malaking tulong din ‘yun sa kita ni James para sa anak nila.

Si James naman, quiet lang at wala naman yata siyang Twitter account, kaya wala siyang sinasabi dahil sinusunod din daw niya ang utos ng abogado niyang manahimik para hindi makaapekto sa isinumite nilang motion for gag order.

‘Yun na!

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis