Rosanna Roces walang balak isapelikula ang makulay na buhay; aktres planong mag-ampon

Leo Bukas

WALANG interes si Rosanna Roces na gawing pelikula ang kanyang makulay na life story.  Ito ang reaksyon niya sa nagtanong kung sino ang gusto niyang gumanap na artista if ever na gagawing pelikula ang buhay niya.

“Wala, hindi ko gustong gawing movie ang buhay ko. Ha-ha-ha! Walang kabutihang mapupulot,” diretsahang pahayag ng award-winning actress sa ginanap na virtual presscon para sa rantserye na Kung Puwede Lang o KPL.

Rosanna Roces walang balak isapelikula ang makulay na buhay; aktres planong mag-ampon
Rosanna Roces

Dagdag pa ni Osang, “Nagawa ko na ‘yan sa TV5 (Untold Stories of Rosanna Roces Minsan May Babaeng Palaban – Face to Face 2010), ‘yung ibang parts nagawa na sa 7 (Rosanna Roces, magpapakasal sa kapwa babae – 2016) at kay Korina (Sanchez). Mas gusto ko siguro book kaysa movie.  Hindi ko pa alam kung anong title.”

Ibinahagi rin ni Osang ang balak sana nilang pag-aampon ng bata. Gusto pa raw niya kasing magkaanak. Si Blessy Arias na isang lesbian ang kasalukuyang partner ni Osang.

“Pinag-usapan namin kamakailan lang, sabi ko wala ka bang balak mag-adopt halimbawang na-establish ko na ang buhay natin maayos na may ipon na at puwedeng hindi na mag-trabaho.

Rosanna Roces walang balak isapelikula ang makulay na buhay; aktres planong mag-ampon
Cast members of KPL or Kung Pwede Lang

“Sabi niya, ‘Ayoko.  Hintayin mo na lang yung magiging apo mo ulit kay Onyok.’  Tinatamad na raw siyang mag-alaga, pero kung anak ni Onyok, bakit hindi. Nakaka-miss kasing may baby di ba?” lahad ni Osang.

Samantala, ang KPL ay isang 8-episode series na mapapanood sa Viva Max simula April 9. Kasama ni Osang  dito sina Dennis Padilla, Dexter Doria, Bob Jbeili, Loren Mariñas and Carlyn Ocampo.