Rosanna Roces ibinulgar ang tunay na pagkatao ni Direk Darryl Yap

Leo Bukas

KUNG NEGA para sa ilang netizens ang image ng controversial film director na si Direk Darryl Yap ay kabaligtaran naman ang pagkakakilala dito ni Rosanna Roces. Si Osang ay tatlong beses nang nakatrabaho ni Direk Darryl kaya kilala na raw niya ang totoong pagkatao ng director.

Rosanna Roces ibinulgar ang tunay na pagkatao ni Direk Darryl Yap
Direk Darryl Yap and Rosanna Roces

Unang nakatrabaho ni Osang si Direk Darryl sa pelikulang Paglaki Ko Gusto Ko Maging Pornstar na sinundan ng rantserye na Kung Puwede Lang (KPL). Huli silang nagsama sa pelikulang Revirginized ng Viva Films na pinagbibidahan ni Sharon Cuneta.

Ayon kay Osang, hindi porke’t pinapatulan ng director ang kanyang bashers ay bastos at mayabang na ito. Mabuti raw ang puso ni Direk Darryl.

“Unang-una kasi, malalaman mong mabuting tao yan, galing sa bibig mismo ng mga magulang niya, na napakabait na anak ni Direk Darryl.

“Hindi siya ganu’n kabastos. Hindi siya ganu’n. Kagaya lang din natin. Naku, mas bastos pa nga tayo sa showbiz, eh. Mas malala pa nga tayo magkwentuhan,” depensa ni Osang sa director ng KPL.

Hinangaan din ni Osang ang pagiging mabuting anak ni Direk Darryl.

Rosanna Roces ibinulgar ang tunay na pagkatao ni Direk Darryl Yap
Rosanna Roces

Aniya, “Ang isang hinangaan ko diyan, nu’ng nagka-pera siya talagang pinagawa niya yung bahay nila sa Olongapo.

“Tinatanong ko din ang magulang niya kung ano rin ang ugali nito. Bata pa daw yan, sa school talagang hindi na siya mahilig magsulat. Matalino talaga. Pumapasa kahit hindi nagsusulat.

“So, sabi niya, ‘Anak, hindi ka para dito sa Olongapo. Bumaba ka ng Maynila. Doon mo hanapin yung future mo.’”

Hindi rin daw iniwan ni Direk Darryl ang mga kasamahan nito nung nagsisimula pa siya hanggang ngayong may pangalan na siya sa movie industry.

“Makikita mo na pag punta niya sa Maynila kasama nu’ng mga pangarap niya, hindi niya iniwan ’tong grupo niya sa Olongapo which is yung Sa Wakas Theater Group (production staff ng Vincentiments). Through thick and thin daw ay hindi pinabayaan ni Direk Darryl ang kanyang mga anak-anakan sa teatro.

“Kinukwento ng nanay niya na nagkakanda-utang-utang daw yan para pakainin niya yung grupo niya. Minsan daw pinupuntahan siya sa school para singilin kasi inutang ni direk lahat yung pagkain.

“Hanggang ngayon, kung sino ang kasama niya noon, yon pa rin ang kasama niya at hindi mo makikita na iniiwan siya. Talagang nandiyan sila, full support sila kay direk. Tutuparin niya yung mga pangarap niya pero kasama niya rin yung mga kasama niyang nangarap,” tuloy-tuloy na kuwento ni Osang.

“Yon ang gusto ko sa kanya. Tapos hindi kinakalimutan yung magulang, di ba? Maayos na maayos sa kanya kung ano ang priorities niya sa buhay,” huling hirit pa ng aktres.