Rocco Nacino, pinag-iipunan na ang pagpapakasal kay Lovi Poe

Rocco Nacino, pinag-iipunan na ang pagpapakasal kay Lovi Poe

Rocco-Nacino- Lovi-PoeSA PALAWAN ang destinasyon ni Rocco Nacino kasama ang girlfriend niyang si Lovi Poe ngayong summer vacation. Naka-book na raw sila for four days sa resort sa isang island doon. Dalawa lang daw silang magkasama. So, magiging parang honeymooners sila roon?

“Hindi naman,” aniya. “Pero hindi rin maiiwasan na may mga ganyang salita. But we’re just gonna spend our anniversary doon.”

Ano ba ang magandang epekto sa relasyon nila ni Lovi na nakapagbabakasyon nang silang dalawa lang ang magkasama?

“We do lots of talking. Nakapag-uusap kami. Kapag nasa isang relationship ka naman, marami ka pa ring madi-discover sa partner mo, e. Kuwento nga ng parents ko, ng mom ko, kahit matagal na silang mag-asawa, ang dami pa rin nilang nadi-discover sa isa’t isa. So, siguro ‘yon. ‘Yong buong process na ’yon of knowing each other more… appreciating each other more. Siyempre dahil do’n, mas nagiging close. Bonding.”

And perhaps, planning for their future na rin?

“Hopefully! Hopefully.”

Do they also talk about settling down na rin few years from now?

“Well, hindi naiiwasan na… ako, nanggagaling sa akin. Kasi 28 na ako, e. Tapos 25 pa lang siya. So, ako puro business ang naikukuwento ko sa kanya. O ‘yong… bumili na ako ng properties just in case ready na akong mag-settle down. Pero siya… more of enjoying life pa.”

Pero parang it won’t be long at magsi-settle down na nga rin sila. Baka in two or three years time, hindi kaya?

“Ipon muna!” sabay ngiti ni Rocco. “Tapos kapag talagang ready na… ‘yon. Okey na. Gusto ko ano… very traditional, e. Na… kasal muna at saka ‘yong magpatayo ng bahay.”

What’s his opinion ba on living in together nang walang kasal?

“Mahirap ‘yon. Alam ko mahirap ‘yon. Lalo na hindi pa ako nakabibili ng ano… wala pa akong sariling bahay. I’m happy for Lovi na at a young age, may sariling property na siya. So, gusto ko, makamit ko muna ‘yon… makabili muna ako ng sariling property. And when it comes to living in, ano… malaking-malaking step ‘yon. Malaking-malaking step. Dapat i-timing ng isang couple ‘yon kung kailan sila ready talaga.”

Ano ba ang gusto niya… kasal muna before living in or puwedeng live-in na nga kahit hindi pa ikinakasal?

“Sa akin, okey rin lang naman ang living together tapos ikakasal. Iyon ang parang ultimate test na… uy, puwede na tayong ikasal.”

What if may mga nag-iisip na nagli-live-in na sila ngayon ni Lovi?

“E… bahala silang mag-isip!” sabay tawa ni Rocco. “A… I always go to her house. Siyempre dumadalaw ako. Pero ‘yong thoughts of living in ano, e… parang mahabang pag-uusap ‘yan. Hindi basta-basta jumping into that.”

Maganda ang takbo ng career nila ni Lovi sa ngayon. Kaya tama lang daw na mag-focus sila nang husto sa trabaho.

“Kakatapos ko lang ng Balut Country,” pagtukoy niya sa bagong pelikulang kanyang ginawa para sa katatapos na Sinag Maynila film festival. Kasama ko rito si Ronnie Quizon. Ang story nito is about ‘yong pag-inherit ko ng isang farm. Ang main concept ng pelikulang ito is going back to your roots. And may question na… do I think for myself muna or other people? Dahil kapag ibinenta ko ‘yong namana ko, maraming mawawalan ng trabaho. Kasi pagbalik ko sa Pampanga, doo ko sila mami-meet lahat, e. So, sa buong film, ipapakita ‘yong struggle o deciding. Ang director nito ay si Paul Sta. Ana.

“Tapos may isa pang nakaabang na indie movie na gagawin ko rin. Hindi ko pa lang puwedeng sabihin ang details nito. And I’ll be hosting Starstruck also. So, magiging busy muna ako do’n. And then after, baka mag-start na rin ako for a new teleserye. Pero hindi ko pa rin alam ang details nito kasi nasa planning stage pa lang. Basta ang sabi… baka second quarter of this year, mag-start na kami ng taping. Hopefully drama na may action ulit. Nag-enjoy talaga ako sa Hiram Na Alaala, e,” panghuling nasabi ni Rocco.

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan