Robin Padilla, botong-boto sa kabadingan! – Lolit Solis

Robin Padilla, botong-boto sa kabadingan! - Lolit Solis Robin Padilla, botong-boto sa kabadingan! - Lolit SolisLALONG MATATAYPAN NG kabadingan si Robin Padilla dahil umaayon pala siya sa ipinaglalaban ng mga ito gaya ng grupong Ladlad. Dapat daw ay mabigyan ng karapatang tumakbo sa darating na eleksiyon ang party-list nilang Ladlad.

Magmula nang tinanggap ng pamilya ang bagong katauhan ni BB Gandanghari, aminado si Robin na nabago ang pagtingin niya sa kabadingan.

Dapat naman daw na mabigyan sila ng puwang sa kongreso pero pinigilan naman sila kaya ang tawag nga ni Robin sa mga kumokontra ay mga ipokrito.

Sobrang suportado ni Robin si BB at ipinag-produce nga niya ito ng pelikula na hanggang ngayon ay naghahanap pa sila ng direktor na kasundo nila.

Kahit ang nag-iisang anak ni Robin na lalaki na si Ali ay tanggap na nga raw ang Tita BB niya kahit medyo alangan pa rin ito dahil siyempre si Tito Rustom naman ang kinalakihan niya.

Ang paniwala kasi ni Robin, kung pipigilan niya ang piniling kasarian ng kapatid niya, baka magrebelde lang ito. Kaya mas mabuting tanggapin dahil wala naman daw itong inaatrasong tao at mas nakatutulong pa nga.

Kaya nga sana dapat, ganu’n din daw ang pagtanggap ng iba sa grupo ng kabadingan.

HINDI NA NAIWASAN ni Pops Fernandez na sagutin ang matagal nang isyu nila ni Mikaela Bilbao pero lahat naman ng sinabi ni Mikaela laban sa kanya ay itinanggi niya.

Kaya nga pinili raw nila ni Gretchen Barretto na manahimik na lang dahil hindi naman daw totoo ang lahat.

Nanghihinyang lang daw siya dahil itinuring naman daw niyang kaibigan si Mikaela at sana nga raw ay maayos na ito.

Tingin ni Pops, nagsimula lang ito nang lumipat siya sa Calayan Surgicenter, pero wala naman daw siyang kontrata sa Mikaela.

Nasa Amerika kasi ngayon si Mikaela kaya hindi niya masagot itong mga sinabi ni Pops.

Pero nakakaloka naman kasi itong si Pops, halos lahat na yatang beauty clinic, naikot na niya. Parang T-shirt lang itong mga beauty clinic kung magpalit-palit ng mga endorser.

Nu’ng Sabado pala, si Katrina Halili, sa Calayan na rin at pumirma pagkatapos niyang putulin ang kontrata niya sa Flawless.

Malabo na nga silang magkaayos nina Dra. Vicki Belo niyan kahit sinasabi niyang pagkatapos ng mga kasong ito ay sana magkaayos na raw sila ni Vicki.

Anyway, tingnan din natin kung magkaayos din sina Pops at Mikaela.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis