Relasyon ni Willie kay Nadine, winawasak

Relasyon ni Willie kay Nadine, winawasakMAY MGA GRUPONG nagpapaikot ng mga e-mails ngayon sa mga manunulat. Nagpapakilalang kaibigan ni Nadine Ignacio, estudyanteng karelasyon ni Willie Revillame, ang mga nagpapadala ng e-mail.

Kung anu-anong pagbabanta ang kanilang sinasabi kay Willie, huwag na huwag daw kakawawain ni Willie ang kanilang kaibigan, dahil siguradong magagalit sila.

Meron pang nagbigay ng reaksiyon na kapag iniwan ni Willie ang dalaga, sasaktan nila si Willie kapag nakita sa labas. Sobra ang pagmamahal na ipinakikita ng mga ito kay Nadine sa pamamagitan ng e-mail.

Walang kinalaman si Nadine Ignacio sa mga taong ‘yun. Hindi sila kakilala ng dalaga, nagpapanggap lang silang nagmamalasakit kay Nadine pero ang totoo ay ang wasakin ang kanilang relasyon ni Willie ang gustong mangyari ng grupong ‘yun.

Una, siguro’y malaki ang inggit ng mga taong ‘yun kay Nadine. Sisimple-simple nga lang naman ang dalaga sa kanilang eskuwelahan pero ang karelasyon pala niya ay isang sikat at mayamang TV host.

Nu’ng mapabalitang break na sina Willie at Nadine, mas naging abala ang grupo sa pagpapadala ng kung anu-anong komento, walanghiya raw si Willie, ginamit lang nito si Nadine.

Awang-awa raw sila kay Nadine, malungkot na malungkot daw ang kanilang kaibigan, isang malaking kalokohan dahil hindi naman naghihiwalay ang dalawa.

Paano nila makikitang malungkot si Nadine, samantalang wala namang dahilan para malungkot ang dalaga? Ibig sabihi’y wala silang direktang kontak kay Nadine, puro mga kuwentong-tabloid lang ang pinagkukunan nila ng mga impormasyon.

Buking ang kanilang drama. At ang kanilang gimik ay bulok!

PAG-ALIS NG GRUPO ni Katrina Halili sa Department of Justice, saka naman dumating si Dra. Vicki Belo kasama ang kanyang abogadong bumitiw na bilang spokesman ng oposisyon at kumabilang-bakod na sa Nacionalista Party, ang tatakbong senador na si Attorney Adel Tamano.

Hinarap nila ang reklamo ni Katrina Halili, nagbigay-paliwanag din sila tungkol sa reklamo ng dalaga kung bakit pinayagan ng Belo Medical Group na i-lyposuction ito ni Dr. Hayden Kho, samantalang wala pang lisensiya ang bastos na doktor na sikat na sikat sa kanyang mga sex videos.

Ayon sa kampo ni Dra. Vicki, bakit ngayon lang daw nagreklamo si Katrina, samanatalang ilang taon na ang nakararaan ‘yun, wala raw namang masamang nangyari sa sexy star at mukhang nagustuhan naman nito ang ginawang proseso ng liposuction ng doktor?

Kahit si Manay Lolit Solis, nagulat sa ginawang aksiyon ni Katrina, nagpunta ito sa PRC at sa DOH para hilinging tanggalan ng lisensiya ang mga klinika ni Dra. Belo. Ayon kay Manay Lolit, lumihis si Katrina sa kanilang kasunduan na si Dr. Hayden Kho lang ang kanilang kalaban at hindi si Dra. Vicki Belo.

Malinaw naman na ang ginawa ng kampo ni Katrina ay hampas sa kalabaw, pero sa kabayo ang latay. Sinasaktan nila ang Belo Medical Group, pero ang sentro pa rin ng kanilang pananakit ay si Dr. Hayden Kho, na karelasyon ng may-ari ng klinikang kinakalampag ng kampo ni Katrina.

Ang ugat pa rin ng reklamo ni Katrina, ang pagla-lipo sa kanya ni Dr. Hayden nang wala pa itong lisensiya, ang klinika ni Dra. Belo ang pumayag na gawin ‘yun ng doktor, kaya damay-damay na lang siguro ang naisip ng kampo ng dalaga.

Sa pagpuntirya ni Katrina sa Belo Medical Group, medyo nalihis ang usapin, lumayo na ‘yun sa kung sino talaga ang nambiktima sa kanya. Baka ngumingisi nang palihim ngayon ang doktor na nambastos sa kanya nu’ng patago nitong kunan ang kanilang pagniniig ni Katrina dahil nalilihis na sa kanya ang kuwento.

Kailangang bumalik sa grade one si Katrina Halili para maparusahan ang tunay na nambiktima sa kanya.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin