Regine Velasquez, balak ibili ang anak ng property sa Australia

Regine Velasquez, balak ibili ang anak ng property sa Australia

Regine-VelasquezINAMIN NI Regine Velasquez na may balak pala silang bumili ng property sa Australia para sa kanilang anak na si Nate.

Natanong lang ito sa kanya sa press launch ng bagong endorsement niya sa PLDT na Teltex set na Regine Series, kung saan tuwang-tuwa sa landline na mailalagay sa bahay nila dahil ngayon lang pala nagkalinya sa lugar nila.

At least mamu-monitor na raw niya ang kanyang anak at ang mga nangyayari sa kanilang bahay habang nasa trabaho siya.

Doon nga sa press launch ay napag-usapan ang tungkol sa balak nila ni Ogie Alcasid.

Sabi ni Regine, pinag-iisipan daw nilang bumili nga ng property sa Australia, dahil baka magdesisyon daw si Nate na sa abrod mag-aaral, doon sa Australia dahil may mga kamag-anak sila roon na puwedeng magbantay at mag-alaga kay Nate.

Nandu’n ang mga sisters niya kay Ogie at siyempre ang ninang Michelle Van Eimeren niya na love na love daw si Nate.

Wala naman daw silang balak na mag-migrate sa naturang bansa, pero lahat daw ng mga ganu’ng plano ay depende raw sa kung ano ang gusto ni Nate sa kanyang future.

Sa totoo lang, karakter nga itong si Nate kaya puwede talaga siyang isama ni Regine sa mga show niya.

Hindi naman siguro ‘yung tipong si Bimby Yap ang gustong mangyari ni Regine sa kanyang anak, dahil ayaw naman talaga ng Songbird na mag-showbiz ang anak niya.

Kung siya raw ang masusunod, ayaw raw niyang maging artista si Nate, dahil mas gusto raw niyang normal lang ang takbo ng buhay nito.

Ayaw raw niyang ma-criticize, at baka maokray lang sa social media, maloloka lang daw siya.

Kung gusto raw talaga ni Nate na mag-showbiz, hindi naman daw niya pipigilan.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis