Raymart Santiago, nawalan na ng pagmamahal kay Claudine Barretto

ADVERTISING

Raymart Santiago, nawalan na ng pagmamahal kay Claudine Barretto

Claudine-Barretto-Raymart-Santiago FINALLY, NA-INTERVIEW na rin namin si Raymart Santiago para sa Startalk. Sinagot niya ang mga pasabog ni Claudine Barretto na ibinunyag niya sa huling interview nu’ng nakaraang Linggo.
Nilinaw ni Raymart na hindi niya alam na hindi pala agad naparehistro ang unang kasal nila ni Claudine sa Isabela. Sabi nga niya, nu’ng pinakasalan niya si Claudine nasa puso’t isip niya na asawa niya ito at hindi niya alam na hindi pa pala ito narehistro.
Sabi nga ng aktor; “Late registration, pero hindi naman ibig sabihin na fake ‘yung kasal. Sa akin nu’ng pinakasalan ko siya, malinis ang kunsensya ko. Mula nu’ng kinasal kami ng mayor at sa paglabas namin sa kuwarto, alam ko kasal kami. Kung ano man ang nangyaring late registration, hindi ko naman alam ‘yun. Sa akin pinakasalan ko siya.”
Nagpakita pa nga ang abogado ni Raymart na si Atty. Ruth Castelo ng document na nagpaliwanag ang Isabela mayor na si Mayor Cesar Dy sa pagkukulang niya kaya hindi naparehistro agad ang kasal ng dalawa.
Tinanong ko nga sina Raymart at ang abogado niya na may kinalaman ba sa kaso itong mga ibinunyag ni Claudine. Hindi rin daw nila alam kung ano talaga ang pakay ni Claudine sa pagsabi ng ganu’n.
Pati ‘yung sinasabi ni Claudine na merong nagpaputok sa subdivision nila, hindi rin daw alam ni Raymart kung saan nanggaling ‘yun o kung meron ba talaga, dahil pinaimbestigahan naman nila sa barangay at sa security ng subdivision nila, wala naman daw naka-report na ganu’n. Kaya wala silang ideya kung ano ang intensyon talaga ni Claudine sa mga sinabi niyang ‘yun.
Hindi raw niya alam kung anong gimmick na naman daw ‘yun ng asawa niya. Obviously, si Raymart ang pagbibintangan daw sa mga ganu’ng isyu ni Claudine.
Pero ang isang matinding pahayag ni Raymart sa interview namin, deretsahan niyang sinabi na wala nang pag-asang magkaayos pa sila o magkabalikan pa sila ni Claudine.
Saad ni Raymart; “Sa ngayon po, nagsisinungaling naman ako kung sasabihin ko sa inyo na may pag-asa pa. Eh, wala na talaga. Kung ako ang tatanungin n’yo, wala na talaga akong nararamdaman. Siguro sa dami ng sakit na binabato sa akin, marami pang masyadong nasaktang tao.”
Masakit ‘yun para sa babae, kaya ewan ko kung ano naman ang reaksyon d’yan ni Claudine.
Si Raymart naman ay nagsalita lang dahil gusto naman niyang ipagtanggol ang sarili sa mga ibinibintang sa kanya. Pero ayaw na raw niyang magsalita pa nang magsalita.
Mas mabuting sa korte na lang daw sila magpalitan ng sagot dahil doon mareresolba, sabi nga ni Atty. Castelo. Kaya sana huwag na raw idaan pa sa media.
Ang isa pang natitiyak ni Raymart ay magpa-file siya ng annulment case sa kasal nila ni Claudine. Pero gusto niyang may karapatan siya sa kanyang mga anak, dahil gusto naman daw niyang maging bahagi sa paglaki ng mga anak niya.
Sana nga sa puntong ‘yan ay magkasundo sila ni Claudine, alang-alang sa kanilang mga anak, ‘di ba?

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

ADVERTISING