PJ Valerio at Queenie Padilla, naisahan si Binoe?!

ADVERTISING

PJ Valerio at Queenie Padilla, naisahan si Binoe?!

PJ Valerio at Queenie Padilla, naisahan si Binoe?! ISANG taong malapit sa young singer-actor na si PJ Valerio ang nagkumpirma sa amin na may katotohanan pala ang isyu, na ang nasabing binata ay kinumpronta ni Robin Padilla. Siyempre pa, ang isyu ay may kinalaman sa panliligaw diumano ni PJ sa anak ng action superstar na si Queenie Padilla, na ngayon nga ay nag-aartista na rin at kamakailan ay siya ‘yung nagbulgar ng kakaibang closeness ng kanyang daddy sa ex-girlfriend ni Zanjoe Marudo na si Mariel Rodriguez.

ADVERTISING

Sa totoo lang ang isyu, kaya ganyan si Robin ay dahil nga ama siya. Nakalulungkot lang, na parang nagiging sobrang mahigpit din siya, at grabe ang pamantayan na kanyang gustong ipasunod sa mga lalaking gustong manligaw sa kanyang mga anak.  Ganyan naman ang mga magulang, dahil sa pagmamamahal sa mga anak, ang feeling nila ay laging bata at hindi na tumatanda ang kanilang mga anak. Kaya napakahirap sa panahong nagdadalaga na sila, at nililigawan na. Hindi kaya napapansin ni Binoe, na dalaga na si Queenie, na ang hitsura ay para nang si Leizl Sicangco na kanyang ex-wife?

Kung ano man ang ipinabatid ni Robin kay PJ, hindi na siyempre pinangalandakan pa ng binata, dahil respeto niya iyon sa ama ng kanyang nililigawan. Sa mga hindi nakakikilala kay PJ, hindi naman na siya baguhan sa showbiz. Siya ‘yung guwapong regular na napapanood sa Walang Tulugan with the Master Showman ni Kuya Germs (German Moreno). In fairness sa singer-actor, may breeding siya, na talagang napaka-gentleman, kaya siguro nahulog ang loob ni Queenie.  Bulung-bulungan sa showbiz, na magkarelasyon na sila. Kung gano’n, naisahan nga nila si Binoe, kaya siguro kumokontra. Kasi nga, ang gusto ng action star para sa kanyang anak, ay mag-focus muna sa kanyang showbiz career, bago ang lovelife na ‘yan.

WALANG SINASABI SI Kuya Boy Abunda tungkol sa mga bagay na hindi pinagkakasunduan ng mag-asawang Kris Aquino at James Yap, na nagresulta nga kung bakit kamakailan ay nanggulat na naman ang balitang mayroon silang problema sa kanilang buhay mag-asawa. Kinukulit kasi si Abunda, dahil siya ang nagkumpirma sa TV Patrol, na kaya hindi niya nakasama si Tetay nu’ng magpunta sila sa Cebu ay dahil mayroon ngang mabigat na problema ang kanyang kaibigan sa mister nito.

ADVERTISING

Parang teleserye ng totoong buhay ang mga kaganapan kina Kris at James. Kung sinusubaybayan mo ang kanilang walang katapusang away-bati, bati-away, ay mauumay ka namang talaga sa paulit-ulit nilang kadramahan. Pero ang maganda lang sa pagkakataong ito, hindi lang kaagad sumabog ang balita tungkol sa gusot ng mag-asawa, pero halos ay may tatlong buwan na rin silang nasa ganu’ng sitwasyon. Aba, ang pangit naman kung sa panahon ng pangangampanya ng kanilang pamilya para sa kandidatura ni Pangulong Noynoy Aquino, may isyu ng hiwalayan ang mommy at daddy nina Joshua at Baby James.

Karakter talaga ang Kristeta na ‘yan. Akalain mo ‘yon, na nitong mga nakaraang buwan, habang nagho-host siya ng talkshow, bukambibig niya palagi ang pinasikat niyang “Love, love, love!” ‘yun naman pala ay hindi sila okey ng kanyang “Yap, Yap, Yap!” kaya talagang nakakaloka siya. Naku, abangan n’yo ang susunod na kabanata ng teleserye ng totoong buhay ni Tetay. Kung kilala n’yo siya, baka sa Sunday ay ngumalngal na naman siyang magsalita sa The Buzz ng kanyang isyu.

ChorBA!
by Melchor Bautista

ADVERTISING