Piolo Pascual, nililigawan pa rin para sa reunion movie nila ni Claudine Barretto

Piolo Pascual, nililigawan pa rin para sa reunion movie nila ni Claudine Barretto

Piolo-Pascual-Claudine-BarrettoMAGANDA ANG pasok ng 2015 para kay Piolo Pascual, nagwaging Best Actor sa katatapos na Star Awards for Movies. Deserving naman ang actor sa acting performance na ipinakita niya sa pelikula nila ni Toni Gonzaga. May mga naka-line-up na movie na gagawin sa Star Cinema, ang una nga ‘yung comeback movie ni Claudine Barretto. Hindi pa nga lang malinaw kung tinanggap na nito ang project na ini-offer ni Madam Malou Santos. As of now, wala pa kaming feedback kay Direk Wenn V. Deramas na siyang magdi-direk ng pelikula ni Claudine.

Naniniwala si Direk Wenn na papayag si Piolo na makatrabaho uli niya si Claudine dahil naging box-office hit ang pelikula nilang Milan under Star Cinema. May chemistry, perfect tandem ang dalawa at napakaganda ng istoryang isinulat ng box-office director. Maging si Boss Vic del Rosario ay sobrang na excite nang simulang ikuwento ni Direk Wenn ang istorya. Nasabi tuloy ng big boss ng Viva na gawin na agad- agad ang pelikula nina Piolo at Claudine.

Sobrang natuwa sina Claudine at Wenn D. nang sabihin ni Boss Vic sa harap nila na simulan na ang pelikula na ididirek ng box-office director. Maganda ang naging resulta ng close door meeting nina Claudine, Direk Wenn, at Vic del Rosario. Maaliwalas ang mukha ng actress nang matapos ang meeting. Agad niya kaming nilapitan para ibalita ang good news.

Kahit malaki na ang binawas ng timbang ni Claudine, kailangan pa rin niyang mag-diet at exercise para maganda siyang tignan on the big screen. Nangako naman ang controversial actress kina Direk Wenn at Boss Vic na kakaririn niya ang pagpapapayat bago siya magsimulang mag-shooting. Mauuna munang simulan ni Direk Wenn ang Aswang ni Pokwang. “Halos magkasabay kong gagawin ang dalawang pelikula ng Viva at Star Cinema. Kailangan kong mag-adjust ng schedule dahil may “Flordeliza” pa ako,” sabi ni WD.

Hindi maipaliwanag ni Claudine kung gaano siya kasaya nang mga sandaling ‘yun. Para ngang nawala lahat ang problemang dinadala niya. Sobrang niyang na-miss ang pag-arte. This time, mapapasabak ang actress sa mga dramatic scene na ipagagawa sa kanya ni Direk Wenn. Lahat ay gagawin niya sa ikagaganda ng pelikula. Sa comebacking movie ni Claudine Baretto, buong ningning na ipinagmalaki ng award-winning director na ikagugulangtang daw ng publiko ang kakaibang acting performance ng controversial actress. Abangan…

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield