Piolo Pascual, natatawa lang sa pag-alis ni KC Concepcion?!

 DAPAT TALAGANG MAKAPAG-ISIP nang mabuti si KC Concepcion ngayong nasa ibang bansa siya, na ang isa sa ginamit niyang dahilan ay para mahanap niya at maging buo ang kanyang sarili. Ang tindi ng epekto sa kanya ng mga pinagsasasabi niya, dahil ang unang tao na pinatutungkulan ng kanyang mga kalungkutan at pagkalito sa ngayon ay si Piolo Pascual. Nagmumukhang-kawawa ang anak ni Sharon Cuneta, dahil habang mukha siyang aburido sa pag-ibig, si Piolo naman ay cool na cool lang ang dating.

Nagtataka ang aming kasamahan sa PMPC na si Tita Len Llanes, dahil alam daw niyang nagpaparamdam na si KC na mayroon talaga silang problema ngayon ni Piolo. “Nagkaroon kami ng presscon kay Piolo. Siyempre, itinatanong namin ‘yung tungkol sa problema nila ni KC. Aba, walang sinabi si Piolo. Bumungisngis lang ng tawa,” tsika sa amin ni Tita Len.

Pangalawang ulit na ito na nagparamdam si KC na mayroon silang problema ni Piolo. Dalawang beses din na wala namang nadinig mula sa guwapong aktor na kongkretong paliwanag para naman hindi manghula ang marami at ang anak lang ng Megastar ang parang naiiwan sa ere. Pinagtataasan tuloy ng kilay ngayon si KC, dahil napakaganda niyang babae. Napakasuwerte nga niyang anak ni Sharon, dahil parang wala nang kulang sa kanyang buhay. Pero ano’ng nangyari at lagi siyang nawiwindang sa relasyon nila ni Piolo? Ang dating tuloy ay parang siya ang sobrang nagmamahal sa actor, kumpara sa pagmamahal na ibinabalik sa kanya ni Papa P.

HABANG IPINAGSASAYA NI Toni Gonzaga ang ika-10 anibersaryo niya sa showbiz ay mayroon daw humihirit mula sa kampo ng programang Eat Bulaga ng GMA-7, na para bang nagtatampo, dahil sa history raw ng showbiz career ng anak ni Mommy Pinty Gonzaga, parang nakalimutan at na-edit na ‘yung parte ng kanyang pagsisimula na naging bahagi rin siya ng programa nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon.

Naku, naman! Sanay na kasi ang mga taga-showbiz, na kung sa Channel 7 ka nanonood, at mayroong maligaw na mga artista ng ABS-CBN sa kanilang palabas, nae-edit din naman. Ganu’n na gano’n din kung sa Channel 2 ka nanonood, dahil nakakatay ang exposure ng mga artista ng Siyete. Kaming mga taga-Philippine Movie Press Club ay hindi na naninibago sa ganyang kalakaran, dahil may network war nga, ‘di ba? Kaya siguro, hindi na rin nagawan pa ng paraan na mabanggit ni Toni sa kanyang anniversary concert na pasalamatan ang Eat Bulaga.

Pero sa totoo lang, maipagtatanggol namin si Toni sa kanyang pagtanaw ng utang na loob, na nanggaling nga rin siya sa programa nina Tito, Vic & Joey. Nasaktan na rin ang sister ni Alex Gonzaga sa mga pang-iintriga noon, na dahil umalis siya sa EB ay wala siyang utang na loob. Career move iyon ng anak ni Mommy Pinty, dahil mabagal din naman ang kanyang pagsikat sa bakuran ng Siyete noon. Bongga na ang career niya ngayon sa Kapamilya Network, pero hindi niya nakakalimutan ang kanyang pinanggalingan.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleNagsasalita kasi ng kung anu-ano kay Piolo Pascual KC Concepcion, ipinatawag ng management ng dos?!
Next articleSa relasyon nila ni Piolo Pacual KC Concepcion, gulung-gulo ang isip?!

No posts to display