Ping Lacson, nagiging ‘showbiz’ ang buhay publiko

ADVERTISING

 alt=

Ping-LacsonAMINADO ANG dating senador na si Ping Lacson na madalas siyang biruin sa kanyang pagiging ‘showbiz’ ngayon. Dalawang pelikula na kasi ang nagawa na halaw sa buhay ng kontrobersyal at inspirasyunal na lider – ang Ping Lacson: Supercop (2000) na pinagbidahan ng yumaong si Rudy Fernandez, at 10,000 Hours (2013) na fictionalized account ng kanyang pagtatago bilang isang pugante na pinagbidahan ni Robin Padilla.

“Para nga raw akong artista dahil palagi akong nahe-headline!” kaswal na bungad ni Lacson.

Hindi rin naman kataka-taka dahil dalawa na ang kanyang apo na bunga ng pakikipagrelasyon ng kanyang junior na si Pampi kina Jodi Sta. Maria at Iwa Moto.

Ikinatutuwa ba niya o ikinalulugod na nagiging mas ‘showbiz’ na ang kanyang buhay publiko?

ADVERTISING

Halos pareho ang entertainment world at saka pulitika. Sa magnitude lang nag-iiba,” ayon sa dating rehabilitation czar noong aftermath ng bagyong Yolanda.

Sa paglaki raw ng mga apong sina Thirdy at Mimi, hindi raw niya ipipilit na maging artista o pulitiko ang mga ito. Ayon sa dating PNP chief, kahit daw noong batam-bata pa ang kanyang mga anak na sina Ronald, Jay, Panfilo, Jr., at Jeric, hindi niya pinakialaman ang mga ito. Aniya, hindi dapat pinipilit ang mga anak.

Mas pinahahalagahan niya ang paghulma sa kanila, lalo na sa kanyang mga apo. Mapa-showbiz man daw o pulitika, importante raw na may taglay silang dignidad.

“Sa murang edad, kailangang turuan na natin sila ng sense of what is right or wrong para lumaki silang may disiplina,” aniya.

Doon daw siya makahihinga nang maluwag dahil alam niyang tatatag sila tulad ng kanyang mga anak.

“Istrikto ako, pero hindi ibig sabihin n’yon na hindi ako mapagmahal.I may not be always there, pero ‘pag may time, I make sure na quality ang bonding naming mag-aama at maglolo,” pagtatapos ng dating senador.

Halatang humuhugot ng inspirasyon ngayon sa kanyang mga apo ang proud lolo na si Ping Lacson. At kung sakali mang itaguyod pa rin niya ang pagtutuwid ng ating daan, dahil ito sa nais niyang ito ang lakaran ng kanyang mga apo.

Danny’s Law
by Danilo Jaime Flores

ADVERTISING