Pauleen Luna, umiiwas nang magsalita tungkol sa kanila ni Vic Sotto

Pauleen Luna, umiiwas nang magsalita tungkol sa kanila ni Vic Sotto

Vic-Sotto- Pauline-LunaINIIWASAN NA ni Pauleen Luna na magsalita tungkol sa kanila ni Vic Sotto, kasi ganu’n at ganu’n pa rin. Wala namang pagbabago dahil wala namang announcement kung kailan na ang kasal.

Kaya umiiwas na ito sa mga gustong mag-interview, dahil lagi na lang daw siya ang salita nang salita. Siyempre, si Bossing Vic naman, tahimik lang.

Ang latest na napag-usapan kasi, ‘yung nagkita sila ni Dina Bonnevie sa studio ng Eat Bulaga.

Hindi naiwasang itanong ito kay Pauleen dahil nagpa-press visit nu’ng kamakalawa lang sa set ng The Rich Man’s Daughter.

Sabi naman ni Pauleen, noon pa man ay gusto na raw niyang makita si Dina. Kaya nu’ng nag-guest si Dina sa The Ryzza Mae Show, si Pauleen na mismo ang pumunta sa dressing room ni Dina at nagpakilala siya.

Pinuri nga du’n si Pauleen, dahil siya na ang nagpakumbaba na lumapit kay Dina at magpakilala.

Sabi naman ni Pauleen, napaka-warm daw ni Dina sa kanya at sinasabi pa ngang pinanonood daw siya sa The Rich Man’s Daughter.

Natuwa naman daw si Bossing Vic, dahil pagkatapos nilang magkita roon sa studio, sina Dina at Bossing naman ang nagkita at nagkausap, pero wala na du’n si Pauleen dahil nakasalang na siya sa Eat Bulaga.

Hindi ko na tinatanong si Pauleen kung kailan na ba talaga ang kasal. Basta hinihintay ko na lang kung kailan nila ako imbitahin. Siyempre, ayaw na muna ni Pauleen magkuwento sa akin at baka idadaldal ko lang o i-broadcast pa ‘yan sa Startalk.

Basta ang masasabi ko lang diyan, dapat na matuloy na ‘yan, ‘day! Ayoko na lang magpakanega, ‘no!

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis