Pauleen Luna, ‘di raw galing kay Bossing Vic Sotto ang ipinagpatayo ng bahay!

Pauleen Luna, ‘di raw galing kay Bossing Vic Sotto ang ipinagpatayo ng bahay!

Pauleen Luna, ‘di raw galing kay Bossing Vic Sotto ang ipinagpatayo ng bahay!KUNG NAPANOOD n’yo ang Startalk nu’ng nakaraang Sabado, ipinakita roon ng alaga kong si Pauleen Luna ang ipinatayo niyang bahay sa may Tierra Pura Subdivison.

In fairness, malaki at maganda ang bahay na sinasabi nga niyang pinaghirapan nila nang husto ng magulang niya.

Halos isang taon na pinapagawa ‘yan nina Pauleen na personal talagang inaasikaso ng Mommy niya.

Kaya lang nu’ng pinag-usapan na ‘yang pinapatayo niyang bahay, pumutok naman ang isyu nila ni Vic Sotto na nali-link pa rin sa kanya hanggang ngayon.

Kasabay nu’n natsismis na ipinapatayo ni Bossing ang bahay na ‘yun para kay Pauleen.

Siyempre ang unang nag-react, ang mga magulang ng alaga ko dahil talagang galing daw ‘yun sa Mommy at Daddy niya at meron daw siyang share du’n, konti lang talaga na napunta lang nga sa malaking kuwarto niya.

“I can proudly say na lahat ng ginastos dito sa bahay is from my Mom and my Dad with the little bit of my help na pinilit ko pa na tumulong ako.

“Sila talaga, and I can proudly say na walang ibang tumulong sa amin dito aside from kami- kaming pamilya lang talaga,” sabi ni Pauleen.

Parang inakusahan agad siyang gold-digger dahil sa gastos daw ‘yun lahat ni Bossing Vic.

Ang pagkakaalam ko nga, TV set lang ang naibigay ni Bossing na birthday gift sa kanya nu’ng nakaraang taon. ‘Yun lang daw ang share niya sa bagong bahay na ‘yun.

Siyempre nasasaktan si Pauleen na pagbintangan siyang gold-digger dahil wala naman talaga siyang nakukuha kay Bossing.

“Nakakalungkot lang kasi, hindi yata nila alam kung gaano ako kasipag magtrabaho, at gaano ako kasinop sa pera.

“I really keep my money intact. Tingnan n’yo naman everyday, nagtatrabaho ako, tapos tumanggap pa ako ng soap.

“I really work hard, lahat na ginagastos ko sa pagpapatayo ng bahay is really from me and my family,” pahayag pa ni Pauleen.

Pero sa totoo lang, hindi pa rin malinaw sa akin kung mag-ano talaga sila, ha! Ang sabi niya sa amin, sa ngayon daw ay wala talagang namagitan sa kanila. So, kailan naging sila, o magiging sila pa ba?

Hinahayaan ko na lang siya, basta kung saan siya masaya.

Sa ngayon ay nag-aaral si Pauleen ng Culinary Arts sa Cuisinier dahil gusto niyang magluto-luto sa kitchen niya sa kanyang bagong bahay. Siguro sa susunod na buwan na raw nila lipatan ang bagong bahay niyang ‘yun.

 

NAPAGLARUAN NAMIN sa Startalk si Sheena Halili na natsismis na buntis.

Guest kasi namin si Sheena na nag-promote sa pagtatapos ng Alice Bungisngis.

Pero bago ‘yan, naintriga siyang nabuntis ito ni Rocco Nacino, na pinaglaruan na lang niya dahil hindi naman daw totoo.

Ang sabi ni Sheena, imposible talagang mangyari ‘yun dahil wala naman daw silang ginagawa ni Rocco.

Ibig sabihin hanggang pa-date-date lang talaga sila at bukod pa du’n wala na.

Malaki raw ang respeto ni Rocco sa mga magulang niya at ayaw raw niyang mawala ang pagtitiwala sa kanya. Kaya nahihiya raw siya kung bakit kumalat ang ganu’ng tsismis.

Hindi na bago ‘yang ganu’ng intriga, pero hindi naman madi-deny ‘yan dahil lalabas naman talaga ‘yan, at mahirap itago.

Ang sabi ni Sheena, baka nakonek lang daw siya kay Katrina Halili na siyang buntis.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis