Patok sa Survey!

ADVERTISING

Patok sa Survey!

PUMASOK NA naman ang buwan ng December. Ito ang huli ngunit inaabangan ng marami. Gabi-gabi ay marahil naririnig ninyo ang countdown ng mga news programs sa papalapit na Pasko. Ngunit may isang countdown din na pumapailalim sa likod ng isipan ng marami. Ito ang nalalapit na panahon ng pangangampanya para sa 2016 elections. Hindi pa man nagsisimula ang 2016, halos puno na ng political advertisement ang mga palatastas sa TV gabi-gabi. Tiyak na sa pagpasok ng taong 2016, sabay-sabay raratsada ang mga pulitikong may ambisyon para sa presidential at national election.

Ang mga sikat na survey companies na kilala sa pagbibigay ng mga datos sa karera sa darating na eleksyon, para sa mga pulitikong maaaring lumabas sa nalalapit na botohan ilang buwan mula ngayon, ay tiyak na muling magpapalutang ng mga pangalan. Ang mga pangalang Grace Poe, Mar Roxas, Binay, Miriam, at Duterte ang ilan sa mga matutunog ngayon.

Sa artikulong ito, nais kong pag-usapan ang mga salik kung bakit ang isang kandidato ay nagiging patok sa survey. Babanggitin din natin ang mga dahilan kung bakit naman bumababa ang ranggo ng isang nangungunang kandidato sa survey sa tuwing lalapit na ang eleksyon. Sa huli, babalanghkasin natin ang magandang pamantayan upang masuri ang mga kandidatong tapat, marangal, may kakayahang mamuno, at higit na makatutulong sa taong bayan.

 

ADVERTISING

SA PANAHON ngayon, kung saan ay kabi-kabila ang batuhan ng putik ng mga pulitiko at gayun din ang nakapilang imbestigasyon sa mga kaso ng kurapsyon at lihim na yaman ng ilang mga personalidad sa gobyerno, natural lamang na humanap ang mga tao ng mga lider na hindi nasasangkot sa mga alegasyon na ito at walang bahid ng korapsyon ang pangalan.

Kaya naman natural lang na lumutang ang mga pangalang Poe at Duterte dahil magpahanggang ngayon ay nananatiling malinis ang kanilang mga pangalan mula sa mga isyu ng korapsyon at nakawan sa gobyerno. Ang unang salik ng pagiging malakas sa survey ay ang pagkakaroon ng malinis na reputasyon at walang bahid ng karapsyon ang pangalan.

Dahil ang bansa natin ay lugmok na lugmok na mula sa mga isyu ng nakawan sa kaban ng bayan, partikular sa mga isyu ng DAP at PDAF, kaya bentahe ang mga pulitikong mabait o ‘di kaya’y isang mahigpit nagdidisiplina sa mga tao at hindi mukhang magnanakaw. Hindi na gaanong binibigyan ng bigat ang kagalingan sa trabaho at bonus na lang kung ang pulitikong ito ay bukod sa walang bahid ng kurapsyon ang pangalan ay mahusay pang magtrabaho.

 

HINDI AKO nagtataka sa pagkakasama ng pangalan ni Mayor Duterte ng Davao dahil sa galing nitong magpatakbo ng kanyang nasasakupang bayan, sipag, dedikasyon, at malinis na pangalan. Minsan na ring kinilala ang Davao bilang isa sa mga siyudad sa mundo na pinakaligtas manirahan. Ang punto ko ay ang isang maituturing na esensyal na salik sa pangunguna sa survey ay ang malinis na pangalan.

Hindi naman lingid sa ating lahat na wala pang napatutunayan si Cong. Manny sa galing nito bilang isang mambabatas, dahil mas madalas ang kanyang pag-eensayo sa laban sa boxing o ‘di kaya ay pagsi-shooting ng mga pelikula at palabas nito sa telebisyon kaysa sa paggawa ng batas o pakikisangkot sa isang usaping pulitikal. Tatlong beses nga lang daw siya pumasok sa Congress sa loob ng kanyang buong termino. Ngunit, sa kabila nito ay matunog pa rin ang kanyang pangalan sa karera ng pagka-senador.

Simple lang ang sikreto nito. Ito ay ang pagkakaroon ng malinis na pangalan mula sa mga nakawan sa gobyerno. Ganito rin ang sikreto ni Senadora Poe kung bakit siya ngayon ang nangunguna sa karera para sa pagka-presidente. Kung tutuusin ay wala pa rin naman siyang masyadong nagagawa bilang senador. Dahil gamit niya ang pangalang “Poe”, na kinilalang mabait at tagapagtanggol ng mga mahihirap sa pelikula, tiyak ang pangunguna nito sa mga balota ng inaaping masang Pilipino.

 

ANG GALING sa trabaho ay hindi rin pumapangalawa sa mga salik na nagbibigay sa isang kandidato ng popularidad para manalo sa eleksyon. Ang pagiging laman ng mga pahayagan at telebisyon ay isang adbantahe para mapabilang sa mga nangunguna sa survey. Kaya naman may mga pulitiko na hindi nawawala sa showbiz kung tawagin, dahil ito ang libre nilang kampanya para manatiling pinag-uusapan at nakikita ng lahat araw-araw.

Dito mo makikita kung bakit kasama pa rin ang gaya nila Tito Sotto sa listahan ng mga nangungunang pangalan sa pagka-senador. Hindi naman nawawala si Sen. Tito Sotto sa telebisyon at halos araw-araw sa tanghali ay napapanood siya. Tiyak na tataas pa ang rating ni Senator Sotto dahil sa kasikatan ng “AlDub”. Kung matatandaan natin, ito rin ang naging tulay nina dating Bise Presidente Noli De Castro at Senador Loren legarda para makamit ang tagumpay sa pulitika.

Siguro ay pangatlo lamang ang salik na galing at husay sa trabaho na nagdadala sa isang kandidato para muling manalo sa eleksyon. Hindi naman kasi napapansin ang mga mabubuting trabaho ng mga mahuhusay na pulitiko, dahil mas binibigyang pansin sa media ang mga isyu ng katiwalian at kriminalidad sa lipunan.

 

ANG ISANG isyu ng katiwalian ay sapat na para mapababa ang popularidad ng isang kandidato kahit hindi pa man ito mapatunayan. Ito mismo ang dinaranas ni VP Binay kaya’t bumababa ang kanyang rating sa huling Pulse Asia survey. Labis na siyang iniwan ni Sen. Poe sa mga huling surveys at ngayon ay halos unahan na rin siya ng rating ni Duterte matapos itong magdeklara ng kandidatura sa pagka-presidente ng bansa.

Kung may isang kandidatong nagtataglay ng 3 salik na binanggit ko para manguna sa survey ay tiyak na hind si VP Binay ang makakauna sa puwesto. Maaari ngang talunin ni Mayor Duterte si Binay at Poe noon pa man sa survey kung malinaw nitong sinabi ang kanyang intensyon para sa pagka-pangulo dahil taglay niya ang salik ng malinis na pangalan, popularidad sa telebisyon, at galing sa trabaho.

Sa tototo lang ay ang una at ikalawang salik lamang ang naging daan ni PNoy noong 2010 presidential election para makuha ang mataas na survey. Hindi alam ng marami ang kahusayan niya bilang isang senador o maging kongresista pa man noon.

 

SANA SA darating na eleksyon ay ilagay natin ang ikatlong salik na tumutukoy sa kagalingan at kahusayan ng isang pulitiko sa kanyang trabaho bilang una sa 3 salik na nabanggit ko. Hindi sapat ang malinis na pangalan at popularidad para maiahon ang Pilipinas sa pagiging mahirap at isang 3rd world na bansa!

 

Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. 

Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn. 

Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm. 

Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.   

Shooting Range
Raffy Tulfo

ADVERTISING