Palabigasan ng pamilya: Young Actress, nagrerebelde na sa magulang!

AMINADO SI RACHELLE Ann Go na nalungkot siya nang magpaalam na sa mga kasamahan niya sa ASAP XV. Nang makausap niya na raw hindi lang ang mga co-artists niya sa Sunday musical show ng ABS-CBN, kundi pati na rin ang production staff nito, doon lang daw nag-sink in sa kanya na iiwan niya nang talaga ang TV show. Anim na taon din ang inilagi ni Rachelle sa ASAP XV, at aminin na natin na nabigyan siya ng magandang exposure dito.

Dagdag pa ni Rachelle, hindi lang naman daw kasi siya ang nagde-decide para sa kanyang career kundi ang Viva management din. Kaya kung anuman ang desisyon nito, sinusunod lang daw niya.

Matapos lumipat ni Mark Bautista from ASAP XV to Party Pilipinas, alam na namin na susunod na si Rachelle. Pero nakiusap lang daw ang ilang execs ng Kapamilya na kung maaari nga ay mag-stay pa rin ang champion singer. Kaya lang, hindi na nga nangyari ‘yon dahil pumirma na ng kontrata niya si Rachelle sa GMA-7.

Anyway, sabi na lang ni Rachelle, maliit lang daw naman ang mundo ng showbiz, kaya’t tiyak na magkakasalubong at magkakasama pa rin sila ng kanyang mga kaibigan sa ASAP XV.

BILIB NA BILIB si Gretchen Barretto sa mga co-stars niya sa bago niyang TV series na Magkaribal na sina Bea Alonzo at Derek Ramsay. Panay ang puri ng singer-actress sa young actress, at sabi pa ni La Greta, sa husay ni Bea siya kumukuha ng inspirasyon para pagbutihin pa ang kanyang pag-arte. Nakapag-bonding na rin daw sila nina Bea at Derek dahil nag-workshop din sila bilang preparasyon sa naturang TV series.

Hindi rin nakaligtas si Gretchen na intrigahin ang pagsasama nila ni Derek, lalo na’t may mga love scenes sila sa Magkaribal. Pakiusap na lang niya, huwag na raw lagyan ng ibang kulay ang pagsasama nila ni Derek. Pero aminado rin naman si Gretchen na nu’ng una ay nagkakailangan pa sila ni Derek, pero eventually ay nagkapalagayan na rin sila ng loob.

May mga nagsasabing tiyak na mapapansin na naman ng mga award-giving bodies ang bagong project ni Gretchen. Pero sabi na lang ng magandang aktres, paghuhusayin niya na lang daw ang kanyang pag-arte at hindi siya nag-e-expect na mabibigyan muli ng acting award.

Nu’ng nakaraang taon ay nanalo sa Best Actress category ng Star Awards for TV ng Philippine Movie Press Club si Gretchen.

NAGREREBELDE NA RAW ang young actress sa kanyang mga magulang dahil pakiramdam daw nito ay ‘palabigasan’ na lang siya ng kanyang pamilya. Nang minsan nga raw magalit ang young actress, may ginawa ito sa kanyang sarili bilang protesta sa pakikialam din ng kanyang parents sa kanyang lovelife.

Kung noon daw ay sunud-sunuran ang young actress sa kanyang mga magulang, ngayon daw ay marunong na itong sumagot at tumutol sa mga iniuutos sa kanya. Minsan na rin daw naglayas ang young actress.

Kamakailan, isang raket ang tinanggihan ng young actress, kung saan ay milyones sana ang kikitain niya. Nawindang kasi ito sa dahilan ng kanyang mga magulang na ang talent fee niya roon ay hahati-hatiin na sa kanilang magkakapatid. Kumbaga, ‘yun na ang magiging ‘mana’ ng mga kapatid niya mula sa kanya.

Pagod na raw ang young actress sa katatrabaho para sa kanyang parents at mga kapatid na kung tutuusin ay mga ‘milyonarya’ na rin sa laki ng perang ipinapasok ng ating bida sa kaban ng kanilang pamilya niya.

At kapag tinutulan pa ng parents niya ang relasyon ng young actress sa young actor ngayon, tuluyan na itong magrerebelde sa kanila.

Bore Me
by Erik Borromeo

Previous articlePaparazzi ng Singko, lumikha agad ng ingay!
Next articleClickadora: Dalaga na si Nene!

No posts to display