Paglipad ni Jane de Leon bilang Darna, kasado na; lalayasan na ang FPJ’s Ang Probinsyano

MAKAKALIPAD NA si Darna!

Ito ang magandang balita para sa mga tagasubaybay ng iconic Pinay heroine. Sa wakas ay matutuloy na ang paglipad ni Jane de Leon!

Ito mismo ang kinumpirma ng ABS-CBN ngayong Miyerkules. Uumpisahan na ngayong Setyembre ang paglarga ng Darna: The TV Series kaya naman inaayos na rin ang pag-exit ng kanyang karakter bilang Lia sa FPJ’s Ang Probinsyano.

Paglipad ni Jane de Leon bilang Darna, kasado na; lalayasan na ang FPJ's Ang Probinsyano
Jane de Leon

Nag-umpisa ang probinsyano journey ni Jane de Leon bilang Lia noong Enero. Kung noong una ay itinuturing siya ni Cardo (Coco Martin) na kaaway, ngayon ay naging magkakampi ang dalawa laban sa mga dating kasamahan ni Lia. Siya pa nga ang sinisi sa pagkamatay ni Alyana (Yassi Pressman) na nilayasan ang programa noong Pebrero.

Sa pamamagitan ng FPJ’s Ang Probinsyano ay mas nakilala ng mga manonood si Jane. Kung noon ay napapa-‘the who’ ang mga taong nakakarinig ng kanyang pangalan kapag nababanggit na siya ang kapalit ni Liza Soberano sa Darna, ngayon ay ina-associate na nila sa kanyang karakter bilang Lia.

Ang mga ilan na kumekwestyon sa kapasidad ng dalaga ay mga fans na rin ngayon lalo na pagdating sa mga action scenes na talagang malupit ang execution ni Jane.

Originally, pelikula dapat ang bagong Darna project. Inumpisahan ito ni Erik Matti hanggang sa ito’y magquit due to ‘creative differences’ kaya naman siya’y pinalitan ni Jerrold Tarog, na ang huling balita namin ay hindi maka-commit sa TV format. Bago ito bumitaw sa serye ay nakapag-shoot na ito for 16 days. Ito ay bago nagkaroon ng Enhanced Community Quarantine o ECQ sa bansa.

Sa ngayon ay wala pa kaming balita kung sino ang bagong direktor ng TV version ng Darna.

Paglipad ni Jane de Leon bilang Darna, kasado na; lalayasan na ang FPJ's Ang Probinsyano
Jane de Leon with the Darna statue

Siguro nga ay ito na ang tamang panahon para ituloy na ang paglipad ni Darna. Mainam rin na nagkaroon na ito ng exposure sa FPJ’s Ang Probinsyano para may recall na ito sa masa. Maliban r’yan ay nahasa na rin ang kanyang drama and fighting skills.

Goodluck, Jane! Lipad, Darna, LIPAD!