Paalam, Redford White!

OLA CHIKKA! IKINALULUNGKOT kong ibalitang sumakabilang buhay na po si Redford White noong Linggo ng umaga sa sakit na brain cancer. July 2008 ay hindi na mabuti ang kanyang kalusugan dahil madalas daw itong nahihilo at masakit ang ulo, at nitong Pebrero ay labas-masok na sila sa ospital upang magpagamot.

Kaya sa edad na 54 ay namayapa na si Cipriano Cermeno II at ngayon ay nakahimlay sa kanilang bahay malapit sa Sto. Niño de Maligaya Shrine sa Novaliches.

Kung inyong matatandaan, ako ang unang naglabas tungkol sa kalagayan ni Redford nang malaman ng aking parazzzi girl na nagmula mismo sa loob ng St. Luke’s Medical Center, kung saan siya nagpapagamot at ibinalita ko mismo rito sa aking column sa Pinoy Parazzi ang kanyang sakit.

Humingi ako ng tulong sa mga kasamahan natin sa industriya na mula mismo sa malaking istasyon upang bigyang-linaw ito. Tinawagan namin ang ospital at sinabi nilang hindi nila pasyente ang komedyante. Nauunawaan ko kung ilihim iyon ng ospital dahil kung kagustuhan ng pasyenteng ilihim ang kahit na anong impormasyon nila ay trabaho nila ‘yun.

Isang malapit na tao rin ang nagbigay ng pahayag sa isang talkshow sa malaking istasyon na pinabulaanan na walang sakit si Redford na kamakailan lang daw ay nakita pa itong kumakain sa isang pizza parlor kasama ang pamilya at napakalakas pa raw.

Ngunit sa panayam na iyon ay wala man lang footage, voice clip or kahit litrato man lang na inilabas ang programa. Parang ang lumalabas tuloy ay nagsisinungaling lang ako at gumagawa ng kuwento. Kaya sa tuwing may scoop akong

nakukuha ay pinagdududahan na ng mga kasamahan ko sa industriya.

Hindi ko na kailangan pang gumawa ng isyu para pag-usapan dahil in 40 years dito sa showbiz industry, alive and kicking pa rin ako at kahit isang kaso ay wala pang naisampa sa akin. Kaya sana ang akin lang, huwag n’yong maliitin ang aking kakayahan. ‘Yun lang po.

Muli, ako ay nakikiramay sa pamilya at sa lahat ng nagmamahal kay Redford White. May you rest in peace.

AT SPEAKING OF pagdududa, huh! Hindi ko lubos-mawari kung bakit itong si Mo Twister ay panay ang banat ng chikka sa kababaihan. Lagi na lang siyang may kaaway na babae, isa na rito si Cristy Fermin na ngayon ay ka-buddy-buddy na niya at ka-join force sa pagtira sa komedyanteng si Pokwang.

May mga intrigang naglabasan na sinabihan daw ni Mo Twister itong si Pokwang na pinakapangit na host, ngunit agad itong dinepensahan ng co-host niyang si Cristy na ang tinutukoy raw na pangit ni Mo ay ‘yung ginawang pag-forward ni Pokwang ng isang message kay IC Mendoza na nagsasaad na siya raw ang dahilan kung bakit nag-rate ang Wowowee, at hindi mismo ang pisikal na anyo ng komedyante.

Eh, ito ang tanong ko lang… bakit lahat ng nakakabangga ni Mo ay puro kababaihan lamang? Wala ba siyang kayang intrigahing lalaki? At ang bibig ay walang preno. Sige sabihin nating nagsasabi lang siya kung ano ang nasa isip niya at sa tingin niya ay tama, ngunit bakit puro sa babae?

Hmmm… hindi kaya may malansang dahilan? It takes one to know one. ‘Yun na! Ha-ha!

BLIND ITEM: PITIK-BULAG! Sino siya? Sino itong singer na nagmula sa singing contest sa malaking istasyon ang nag-alsa balutan na matapos harasin ng kanyang composer?

Ang chikka kasi ay mayroon daw event na dadaluhan itong singer at si composer kaya nagpasundo si composer kay singer. At pagdating ni singer sa condo ni composer ay sinabing magpahinga raw muna sila dahil masyado pang maaga para sa event.

Hindi naman minasama ni singer, kaya ayun nakatulog siya. Ngunit agad gumising nang maramdamang tsina-tsansingan na siya ni composer, kaya ayun exit siya agad.

Nang tanungin naman namin kung may nangyari sa kanila ay wala naman daw. Kaya hindi lang sa condo nag-exit si singer, kundi maging sa istasyong kanyang pinagmulan.

Sino itong singer? Kung hindi n’yo mahulaan at gusto pa ng clue ay tumutok sa aming programa mula Lunes hanggang Martes sa ganap na 11:30-12:00 ng tanghali sa DWSS 1494 khz, at tuwing Linggo sa ganap na 2:30-3:30 pm sa nag-iisang DZRH 666 khz.

Ito po ang inyong Tita Swarding saying thank you very much and GOD BLESS US ALL!!

Ooola Chika
E-mail: [email protected]
by Tita Swarding

Previous articleAlfred Vargas, namimintog sa sobrang laki!
Next articleKim Chiu kina Gerald at Bea: “Kung saan sila masaya, susuportahan ko sila!”

No posts to display