Onemig Bondoc, hiniwalayan ang pabayang asawa

Onemig Bondoc, hiniwalayan ang pabayang asawa

Onemig-BondocNAGULAT NAMAN ako nang nabalitaan ko sa Startalk na hiwalay na pala sina Onemig at ng asawa niyang Fil-French na si Valerie Bariou.

Halos isang taon na pala silang hiwalay, pero ngayon lang napag-usapan dahil nga sa nag-file si Onemig ng Child Custody sa kanilang dalawang anak at Temporary Protection Order laban kay Valerie.

Nakausap ng Startalk si Onemig at sinabi nga niyang hindi na raw niya kinaya ang pagpapabaya ng asawa niya sa kanilang dalawang anak.

Ayon sa dating aktor, madalas daw na lumalabas itong si Valerie at iniiwan lang daw ang dalawang bata sa yaya at sa driver nila minsan.

Pitong taon na ang panganay nilang anak at ang bunso ay isang taon pa lang, at ang gusto sana ni Onemig ay hindi basta-bastang iwan ang mga bata at huwag ipagkatiwala lang sa yaya.

Ganu’n na lang daw ang nangyayari na minsan ay inaabot daw ng madaling-araw sa labas itong si Valerie, kaya gusto niyang sa custody na niya ang mga bata.

Ang dami na raw insidente na nalaman niyang basta na lang iniiwan ng asawa niya ang mga bata sa yaya. Tuwing weekend lang kasi nakakasama ni Onemig ang mga bata kaya nag-aalala ito kapag na kay Valerie lang. Kaya ‘yun ang grounds kung bakit nag-file siya ng Sole Child Custody dahil mas nababantayan daw niya nang mabuti.

Kapag tanungin mo naman daw ang panganay nilang anak, mas gusto raw nito kay Onemig, kaya sana raw ay mapagbigyan siya ng korte.

Ang pagkakaalam ko, sinubukan din ng mga taga-Startalk na kunan ng reaksyon ang asawa ni Onemig, pero hindi raw ito sumasagot dahil nasa Balesin Island yata ito.

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis