Ogie Diaz hindi kayang patawarin ang misis ng basketbolistang milyon ang utang sa kanya

Leo Bukas

MARAMING netizen ang naka-relate  sa saloobin ng talent manager at vlogger na si Ogie Diaz tungkol sa taong milyun-milyon ang pagkakautang sa kanya na hanggang ngayon ay hindi pa  nagbabayad.

Ayon kay Ogie sa kanyang Facebook post ay naalala niya raw ang malaking halaga na inutang sa kanya ng misis ng isang basketbolista dahil sa mga bounching checks na nakita niya sa kanyang bag.

Ogie Diaz hindi kayang patawarin ang misis ng basketbolistang milyon ang utang sa kanya
Ogie Diaz

Simula ng actor-comedian, “Musta na kaya yung mestisang dyowa ng basketball player na may dyutang sa akin kasama yung kanyang sekretarya sa pang-eechos ng mga kliyente para bulagin sa mataas na interest at iskamin?

“Paano kasi, nakita ko na naman yung mga tseke niyang walang pondo sa isang bag ko, kaya naalala ko uli ang ginawa niya sa akin. Ilang milyon din ang utang sa akin.”

Ibinahagi rin ni Ogie ang ilan sa hindi magagandag karanasan niya tungkol sa dating PA (personal assistant) at sa reporter na nilimas ang kanyang pera. Bagama’t nagkakataon lang pero ang mga nanlokong ito sa kanya pagkatapos niyang patawarin ay kinuha na agad ni Lord.

“Ambait ko pa naman sa kanya. Pinapayuhan ko pa yan na ayusin ang buhay, ayun, pati ako naloko o niloko.  Di rin nakaligtas sa kanya.

“Kinuwentuhan ko pa siya, ha? Na pag ako, niloloko sa pera, ewan ko—nagkataon lang siguro—pero nagtapos ang buhay nila.

“Yung dati kong PA na bading, dalawang beses nilimas ang debit card ko nung early 90s, pinatawad ko pa at binigyan ng second chance, ayun, second time din niyang nilimas ang atm ko.

“Pinatawad ko uli, pero pinaalis na din kasi nalulong sa droga. Ayun, after several years, nakagat ng aso, nategi.

“Yung isang bading na reporter naman na tinulungan kong maging reporter at kinupkop ko sa bahay, nilimas din ang debit card ko, tapos, idinenay pa, eh, na-trace ko, may withdrawal sa isang atm sa casino. Eh, siya lang naman ang nagka-casino.

“Di ko mapatawad nung una, pero kalaunan, inimbita ko pang magkape at binigyan ko pa ng pera na may paalala pa na, “Wag ka nang mang-iisa ng kapwa, idiretso mo na ang buhay mo. Wag kang mag-alala, pinapatawad na kita.”

“After several years, na-stroke, gumaling. Pero namaalam din.

“Alam ko, nagkakataon lang itong pag pinapatawad ko, eh inaalat ang buhay. Dahil me mga ubod naman nang samang tao, hanggang ngayon, buhay pa, eh.

“Feeling ko lang naman ito. Kaya minsan, nagdadalawang isip ako kung patatawarin ko o wag muna, eh,” pahayag ni Ogie.

Pagdating naman sa asawa ng basketbolista na malaki ang pagkakautang sa kanya ay wala pa raw siyang balak na patawarin ito.

“Pero itong misis ng basketball player, ayokong patawarin kahit gusto ko, baka kung ano naman ang mangyari eh,

“Gusto ko, patuloy siyang mabuhay para sa anak niya at mabangon niya ang kanyang dignidad.  Sana nga, mabayaran pa rin niya ako,

Kaso, paano? Eh nakakulong?” litanya ni Ogie.

Samantala, sa naturang post ni Ogie ay nag-react naman ang ilang celebrities gaya na lang ni Christopher Roxas na mister ni Gladys Reyes.

Aniya, “Suwerte ng mga yan noh> Kaming lumalaban ng parehas, nagapang makahanap lang ng pondo para sa negosyo ang dalas tanggihan… Yang mga yan namumuhunan lang ng kwento ayus na. Kaya alam mo na ha.”

Previous articleBrenda Mage may pakiusap sa kanyang haters
Next articleJaclyn Jose: ‘Huwag nating gawing puhunan ang ating mga anak’