Nora Aunor, magdidirek na ng pelikula

ADVERTISING

Nora Aunor, magdidirek na ng pelikula

Nora-AunorKAHIT NANANAHIMIK si Nora Aunor, patuloy pa rin siyang iniintriga. Intrigang wala naman daw katotohanan. Hindi nga malaman ng Superstar kung saan nanggagaling ang mga issue na ibinabato sa kanya. Tulad na lang ‘yung issue inuutangan raw niya si Coco Martin. Ang actor pa raw ang nagkakalat ng tsismis. Pero nang tanungan naman si Coco, super deny nito tungkol sa issue.

Ayaw patulan ni Ate Guy ang mga negative issue na lumalabas laban sa kanya. Katuwiran niya, kapag sumagot siya, sasabihing defensive. Kapag nanahimik, palalabasing totoo ang issue.

“Maging positive na lang tayo sa buhay para maging maganda ang pananaw natin sa buhay. As much as possible, ayaw kong nakaririnig ng intriga. Wala namang maidudulot itong mabuti sa isang artista. Masisira pa ang mood mo, hindi ka makakatrabaho nang mabuti. Kaya huwag nang pagpapatulan kung anuman ‘yung negative issue gusto nilang ikabit sa akin,” say ng Superstar.

Hanggang ngayon ay pinagtatalunan pa kung dapat ngang igawad kay Ate Guy ang pagiging National Artist.

ADVERTISING

“Alam kong marami ang kontra na sa akin ibigay, karapatan nila ‘yun. Ang award na ito ay kusang ibinibigay na walang pag-aalinlangan. Isang malaking karangan ‘yun para sa isang artista na tawagin kang National Artist. Kung sa tingin nila karapat-dapat akong maging National Artist, maraming salamat,” aniya.

Sabi nga ng Superstar, “Lahat na yata ng intriga ibinato na nila sa akin. ‘Eto pa rin ako nakatayong mag-isa. Ano pa kaya ang susunod na issue na lalabas laban sa akin. Wala nga akong gaanong alam sa nangyayari sa showbiz dahil hindi ako nagbabasa ng diyaryo. Kung minsan sa TV ko na lang nalalaman kung may issue sa isang artista, ‘yun.”

As an actress, wala na yata mahihiling pa si Ate Guy, halos lahat ng mabibigat na role ay nagampanan na niya. May dream role pa kaya para sa Superstar?

“Bawat character na gagampanan mo sa TV at pelikula, big challenge ‘yun bilang artista,” wika nito.

Hanggang ngayon nga raw patuloy pa rin siyang naghahanap ng magandang material na babagay sa kanya para i-produce at ilahok ito sa international film festival.

Nalaman naming gustong mag-direk at mag-produce ni Ate Guy ng indie film. Good material lang ang kailangan para makapagsimula na siya bilang director. Super excited kaming makita si La Aunor na nagdi-direk ng pelikula. Sino kayang actor ang gusto nito makatrabaho?

“Baguhan siguro para maging natural ang pagganap niya. Depende rin ‘yun sa istorya, kailangang babagay sa personality ng artista ‘yung role na gagampanan niya,” turan niya.

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield

ADVERTISING