Nora Aunor, hindi kawalan ang alok ni Kris Aquino

Nora Aunor, hindi kawalan ang alok ni Kris Aquino

Nora-AunorKAHIT ANG dami-dami nilang ipinipintas sa mga parang nagiging maling desisyon ni Nora Aunor sa kanyang personal na buhay o career, hindi maitatangging mahirap talagang ibagsak ang Superstar. Marami nang mga dating kaibigan na nawala sa showbiz si Ate Guy. Sa mga natitira pa na mga dati niyang nakasasama, consistent sila sa pagsasabing hindi perpektong tao ang premyadong aktres, pero hindi mo siya mabubutasan sa tunay na pakikisama lalo na raw nu’ng panahong nagkakamal pa siya ng limpak-limpak na salapi.

Sobrang mapagbigay raw noon si Nora pagdating sa pakikisama. Kaya ngayon, kahit na ang dami-daming kontrobersiya tungkol sa kanya, hindi pa rin nawawala ang mga taong nagmamalasakit sa kanya. Sa katunayan, marami sa mga taong natulungan niya dati na ngayon ay may pangalan na sa showbiz, naghahangad na matulungan lagi ang Superstar.  Nakamarka na kasi sa showbiz ang kahalagahan niya bilang artista at marami ang hayag at lihim na nagpapahalaga sa kanya.

Kung dahil sa pagsigaw ni Nora ng “P-Noy Resign!” sa isang rally kamakailan ay magkakaroon siya ng delicadeza para tanggapin ang tulong na dating inialok ni Kris Aquino sa kanyang pagpapaopera ng lalamunan sa ibang bansa, hindi raw nakapagtataka kung bilang kapalit ay mayroong taong mag-aalok din sa Superstar ng ganu’ng tulong. Kasi nga, dahil sa pagpapahalaga sa kanya bilang aktres, mayroon talagang mga taong gusto siyang matulungan para maibalik na nga ang kanyang boses.

ChorBA!
by Melchor Bautista