Nora Aunor, dinudurog ng Vilmanians?!

ADVERTISING

Nora Aunor, dinudurog ng Vilmanians?!

Nora Aunor, dinudurog ng Vilmanians?!MUKHANG IKINATUTUWA ni  Gov.Vilma Santos ang patuloy na pagtira ng kanyang mga Vilmanians kay Superstar Nora Aunor. Nakakalokang halos araw-araw ay may intriga kay Nora mula mismo sa mga tagahanga ni Vilma. Halos “durugin” na si Nora ng mga ito na alam na alam naman kung saan galing at kung sino ang may pakana.

Ang nakakaloka ay walang sapat na katotohanan ang mga nasusulat na intriga kay Ate Guy. Totoong umalis ng bansa ang Superstar upang magpagamot ng lalamunan niya sa Amerika at tahimik ngang nakabalik na ito. Totoo ring nagka-problema sa produksyon ng Never Say Goodbye ng TV5 dahil sa pag-alis ni Ate Guy, kung kaya’t  kinakailangang ayusin at baguhin ang scripts upang hindi masira ang daloy nito kaya may mga additional characters, like Rita Avila at iba pang artista na naayos naman.

Hindi rin totoong may hiniram daw na pera sa ibang movie company si Ate Guy at bigla na lang itong umalis. Huh? Kung alam lang nila kung magkano ang TF ni Ate Guy sa TV5 bilang contract artists nila, baka masupalpal sila nang husto!

Lalo namang magngingitngit at magpupuyos sa malaking inggit si Vilma at ang mga kampon niya dahil bibigyan ng award si Ate Guy ng mga taga-Lyceum of Batangas. Tumanggap din ng Ani Ng Dangal award mula sa CCP ang numero-unong aktres.

ADVERTISING

Tutukan na lang nila si Vilma na busy naman once a week sa pagsi-shoot ng Ekstra, ‘yun na lang ang ibalita nila. Indie film iyon for Cinemalaya Film Festival, pero dahil sa takot na sumemplang sa takilya, isinama sina Marian Rivera at Piolo Pascual para sure na!

 

HINDI AKALAIN ni Gladys Reyes na aside from acting ay keri rin niyang mag-host, kaya naman happy siya at papasok na sa 2nd season ang Moments, kung saan pinagkatiwalaan siya nang husto ng Net 25. Wala ring problema ang naturang TV program niya kahit naka-kontrata siya sa GMA-7.

Ini-enjoy ni Gladys nang maige ang hosting job niya lalo’t siya mismo ang personal na nakikipag-usap sa mga artistang nais nilang maging guest sa show. Bukod kina Nora Aunor, Sharon Cuneta, Judy Ann Santos, Maricel Soriano at Vilma Santos, memorable ang episode niya with Madam Imelda Marcos kung saan inilibot siya sa mansion nito sa San Juan at naghanda ito ng masasarap na pagkain para sa kanya at sa kanyang staff.

Natawa si Gladys sa kuwento niya sa former First Lady. “Habang kausap ko kasi siya, tumalsik ‘yung singsing niya, sabay sabi niyang, o, alam mo na, binili ko lang iyan sa Divisoria.”

Nagkita naman sila one time ni Manny Pacquiao kasama ang asawang si Jinkee sa isang event at nilapitan niya ito upang alukin para mag-guest sa show niya. Sagot daw ni Pacquiao, “Ano ‘yun?” Buti na lang daw at alam ni Jinkee at nanonood ito kaya ito na ang sumagot para sa asawa.

Kina-career talaga nang husto ni Gladys na siya na ang kumakausap sa mga artistang igi-guest nila kaya naman napagkakamalan na raw siyang producer ng show.

“One time, tinawagan ko si Pops Fernandez, tanong niya kung ako raw ang producer, kasi aligaga akong masyado. Hahahaha! Ang sa akin kasi, gusto naming mas mapaganda pa ang show at mas marami pa kaming maimbitahang mga artista para makapag-share ng buhay nila especially sa aspeto ng parenting at iba pang bagay.” sey ni Gladys.

Sa tanong kung sino sa mga naging guest niya ang gusto niyang maulit muli? “I think si Juday. Kasi nu’ng na-guest namin siya, wala pa siyang anak nu’n. Ngayon may Lucho na siya kaya mas marami na siyang masi-share,” sagot ng lagi na’y kontrabida pero napakabait na aktres.

May bagong segment nga pala ang Moments para sa mga kids kaya kasama na rin ang dalawang anak ni Gladys na napakabibo at cute, sina Christophe, 7, at Aquisha, 4.

RAP EN ROL
By Ronald M. Rafer

ADVERTISING